Ni Mary Ann Santiago

Ligtas pa ring sakyan ang Metro Rail Transit (MRT)-Line 3.

Ito ang tiniyak kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Rails Timothy Batan, sa kabila ng araw-araw na pagtirik ng mga tren ng MRT-3.

Ayon kay Batan, walang dapat ipangamba ang publiko sa araw-araw na aberya ng MRT, dahil hindi naman ito peligroso, bagamat nagdudulot ng bahagyang abala.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Batay sa record ng DOTr, tinatayang 350,000 hanggang kalahating milyong pasahero ang sumasakay sa MRT araw-araw, mula sa North Avenue, Quezon City patungong Taft Avenue, Pasay City.  

Sa kabila naman ng mga aberya, mas gusto pa rin umanong sumakay ng mga pasahero sa MRT patungo sa kani-kanilang destinasyon, dahil sa usad-pagong na trapiko sa EDSA.

Simula nitong Lunes ay nasa walo hanggang 10 tren lang ng MRT ang bumibiyahe dahil laging nagkakaaberya ang ibang tren.

Bunsod nito, lalong humahaba ang pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng MRT.

Tiniyak naman ng DOTr na bago matapos ang 2018 ay mararamdaman na ng mga pasahero ang mas mahusay na serbisyo ng MRT, dahil hindi umano sila tumitigil sa patuloy na paggawa ng paraan upang mapaghusay ang serbisyo ng naturang mass rail system.