LeBron at Harden, kinapos sa triple-double.

CHICAGO (AP) — Nagkataon o tama ang desisyon ng Milwaukee Bucks management.

Matapos sibakin bilang coach si dating NBA star Jason Kidd, ratsada ang Bucks at naitala ang ikatlong sunod na panalo nang pangunahan ni Giannis Antetokounmpo sa naitalang 27 puntos ang 110-96 panalo kontra Chicago Bulls nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Kumamada rin ang All-Star forward ng siyam na rebounds at walong assists para sa bagong winning run ng Bucks sa pangangasiwa ni interim coach Joe Prunty.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nag-ambag si Khris Middleton ng 20 puntos at pitong rebounds at tumipa si Jason Terry ng season-high 12 puntos mula sa bench.

Nanguna si Denzel Valentine sa Bulls sa natipang 18 puntos, habang kumana si Lauri Markkanen ng 17 puntos at 10 rebounds, at nalimitahan si Zach LaVine sa anim na puntos mula sa 2-of-11 shooting.

Umabante ang Bucks sa 61-42 sa halftime matapos madaid ang Bulls sa 35-22 scoring.

CAVS 121, PISTONS 104

Sa Cleveland, naitala ng Cavaliers ang unang back-to-back win sa loob ng dalawang buwan matapos magapi ang Detroit Pistons.

Hataw si LeBron James sa naiskor na 25 puntos, 14 assists at kulang lang ng dalawang rebounds para sa ikalawang sunod na triple-double. Huling nakapagtala ng winning streak ang Cavaliers noong Dec. 9-17.

Nakausad ang Cleveland mula sa 95-all mula sa three-pointer ni Kyle Korver mahigit limang minuto ang nalalabi sa laro. Dinugtungan ni James ag bentahe sa dalawang free throw at three-point play bago sinundan ang dalawang pang three-pointer ni JR Smith.

Kumana si Kevin Love ng 20 puntos at 11 rebounds, habang tumipa si Smith ng 15 puntos.

Kumana sina Tobias Harris at Anthony Tolliver ng tig-20 puntos para sa Pistons, nagtamo ng ikaanim na sunod na kabiguan, habang humugot si Andre Drummond ng 17 puntos at 11 rebounds.

ROCKETS 113, SUNS 102

Sa Houston, pinakulimlim ng Rockets, sa pangunguna ni James Harden na may 27 puntos at 10 rebounds, ang Phoenix Suns.

Kinapos lang ng dalawang assist si Harden para sa ikatlong triple-double ngayong season. Nahila ng Rockets ang dominasyon sa Suns 14-2, kabilang ang pitong sunod na panalo.

Tangan ng Houston ang 60-53 bentahe sa halftime at naungusan ang Suns, 32-24, sa third quarter.

Nagtamo ng injury sa kaliwang hita si Rockets forward Trevor Ariza sa kaagahan ng laro nang mawalan ng balanse sa kanyang pagtatangka na dunk sa harap ng depensa ni Marquese Chriss.

Nanguna si Devin Booker na may 31 puntos at 10 assists para sa Phoenix, habang humirit si T.J. Warren ng 24 pountos para sa Suns.

THUNDER 122, SIXERS 112

Sa Oklahoma City, ratsada si Russell Westbrook sa naiskor na 37 puntos sa dominanteng panalo ng Thunder kontra Philadelphia 76ers.

Nag-ambag si Paul George ng 31 puntos at kumubra si Steven Adams ng 20 puntos at 13 rebounds para tulungan ang Thunder sa pagwalis sa Sixers ngayong season, kabilang ang triple-overtime sa Philadelphia nitong Disyembre.

Nanguna si Joel Embiid sa Sixers na may 27 puntos at 10 rebounds, habang kumana si Ben Simmons ng 22 puntos.

Ngunit, bago ang panalo, masamang balita ang tinanggap ng Thunder nang ipahayag ng management na hindi na malalalaro sa kabuun ng season si guard Andre Roberson. Sumailalim sa surgery ang kaliwang patella tendon ni Roberson, second-team All-Defense selection sa nakalipas na season, nang mapaama ang kanyang bagsak sa sa renound sa laro laban sa Detroit nitong Sabado.

Sa iba pang laro, kumubra si Blake Griffin ng 27 puntos at 12 rebounds sa panalo ng Los Angeles Clippers kontra New Orleans, 112-103; ginapi ng San Antonio Spurs ang Sacramento Kings, 113-98.