Ni Genalyn D. Kabiling, at ulat nina Genalyn Kabiling, at Rommel Tabbad
Kababalik lang galing sa India, plano ni Pangulong Duterte na magtungo sa Albay bukas upang kumustahin ang mga lumikas dahil sa pagsabog ng Bulkang Mayon.
Sinabi ng Pangulo na sandali muna siyang magpapahinga bago bumiyahe patungong Albay.
“Inaatake ako ng migraine ko and I have a cold coming up,” sinabi ni Duterte sa press conference pagdating niya sa Davao City galing sa India kahapon ng umaga.
Nagbiro rin ang Pangulo na kung nagkataong tao ang Mayon ay tatadyakan niya ito sa patuloy na pag-aalburoto.
“Tigas ulo ‘yang Mayon na ‘yan, sinabi ko na ‘huwag ka munang pumutok, eh, kay mag-alis ako. Sige, paputukin mo basta as long as everybody has complied with the safety zones and nobody is near enough to be hurt’,” biro ni Duterte. “Eh patakot-takot ‘yan siyang puputukin—gusto ko—kung tao lang ‘yan, sipain ko ‘yan.”
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo na nailabas na ng gobyerno ang kinakailangang pondo ng mga apektadong lokal na pamahalaan.
Hiniling na ng pamahalaang panglalawigan ng Albay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapalabas ng P402 milyon ayuda para sa mahigit 80,000 nang evacuees.
Paliwanag ni DSWD-Albay Director Arnel Garcia, kailangan na nila ang naturang ayuda, na kinapapalooban ng family food packs.