Ni Ric Valmonte

BUMUO si Pangulong Duterte ng consultative council na aaralin ang pagbabago sa Saligang Batas. Binigyan ito ng anim na buwan upang gampanan ang tungkulin at isumite sa Pangulo ang rekomendasyon nito. Dahil ang nais ng Pangulo ay mabago ang porma ng gobyerno at gawing pederalismo, ang paglikha niya ng consultative council ay ugma sa payo ni dating Senate President Nene Pimentel at pinuno ng PDP-Laban.

Mula’t sapul kasi ay para sa pederalismo ang kanyang partido pulitikal at siya ang nagsabi na hindi dapat minamadali ang pag-aamyenda sa Saligang Batas na ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nang ipasa nito ang Resolution No. 9, na nagtatakda na ito at ang Senado ay magsanib bilang Constituent Assembly (Con-ass). Kung ayaw kumatig dito ang Senado, sabi ni Speaker Panteleon Alvarez, itutuloy pa rin ng Kamara ang pag-aamyenda sa Saligang Batas. Ang idiniktang 3/4 votes ng Konstitusyon para ito ay mabago ay madaling ibigay ng kasapian ng Kamara, aniya.

Sa pagganap ng tungkulin ng consultative council, magandang sundin nito ang paraan na ginamit ng Senate Commitee on Constitutional Amendment nang magsagawa ito ng pagdinig ukol sa pagbabago ng Saligang Batas. Hinati ito sa iba’t ibang paksa at tinalakay isa-isa ng panel of resource persons na binuo ng mga legal luminaries at isa rito si dating Chief Justice Reyanto Puno na siya ngayong hinirang ng Pangulo na mamuno ng consultative council. Ang mga isyung tinalakay nila ay: 1) Dapat bang baguhin ang Saligang Batas? 2) Sa paanong paraan ito babaguhin? 3) Kung Con-ass, magkasama o hiwalay bang boboto ang Kamara at Senado? Sa mga bagay na pinakabuod ng layunin: 1) dapat bang gawing pederalismo ang uri ng gobyerno? 2) Anu-ano mga ang probisyon ng Saligang Batas na dapat baguhin?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Anuman ang napagkaisahan ng consultative council ay dapat ipaalam sa mamamayan. Kung maaari ay iyong rekomendasyon nito mismo na isusumite sa Pangulo ang ikalat sa lahat. Kung maaari rin ay iyong ibang posisyon sa bawat isyu upang lubos na maintindihan ng taumbayan ang mangyayari sa Konstitusyon at sa magiging kinabukasan nila at ng bansa. May ibibigay ba itong magandang bukas sa lahat lalo na iyong mga maralita?

Paano na iyong ingay at tapang ni Speaker Alvarez na sasarilinin ng Kamara ang pagbabago ng Saligang Batas at iyong panahong itinakda niya para ito ratipikahan ng mamamayang Pilipino? Sabihin na lang natin na ang mga ito ay fake news. Pero, maganda naman at ginawa niya ito. Maganda naman at nagresponde ang Senado. Naalerto ang mamamayan at napukaw ang kanilang atensiyon sa napakahalagang bagay na mangyayari sa kanila at sa mga henerasyong susunod sa kanila.