Ni Jimi Escala
NGAYONG biniyayaan na sila ng malusog na sanggol ay nagbabalak na raw magpakasal sina Pokwang at Lee O’Brien. Pero hindi naman daw agad-agad dahil, ayon kay Pokwang, sa kanilang anak muna ang lahat ng kanilang atensiyon at panahon.
Kaysa planuhin agad ang pagpapakasal, mas mainam na sa kanilang anak ang focus nila ni Lee.
“Right now, focused muna kami sa anak namin.She needs all our attention and she needs to get better. Kailangan ko rin naman ngayon ang pahinga,” sey ni Pokwang.
Last January 18 isinilang ang anak nilang si Malia Francine. Masayang-masaya si Pokwang na ibinigay sa kanila ng Diyos ang kahilingan nila ni Lee. Nabiyayaan sila ng malusog na sanggol kahit apatnapu’t taong gulang na siya at ipinagpapasalamat nila ito sa Panginoon.
“Sobrang happy kami ni Lee. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Hindi ba parang answered prayer, di ba?
Kumbaga, at my age nakahabol kami ng isang anghel, masayang-masaya kami, sobra-sobra,” sabi ng komedyana.
Naikuwento rin ni Pokwang kung bakit Malia Francine ang ipinangalan nila sa anak nila ni Lee. Hindi raw ito ang pangalang ng character ni Kathryn Bernado sa La Luna Sangre.
“’Yung Malia kasi, eh, pinagsama ‘yung Marlyn, pangalan ng nanay ni Lee at Gloria naman ang nanay ko, so naging Malia. Nagkataon din naman iyong Marietta pangalan ko at Lee ‘pag pinagsama, eh, Malia din, di ba?” natatawang paliwanag ni Pokwang.
Samantala, ayon kay Pokwang ay nakatakdang umuwi sa Pilipinas ang mga magulang ni Lee mula sa San Francisco, California. Siyempre, para makita at mayakap ng mga ito si Malia Francine.