Wolves, sinalanta ng Warriors; triple-double kay Durant.

OAKLAND, California (AP) — Tinawag ni Kevin Durant ang sarili na isang “jerk.” Ngunit, para sa Minnesota Timberwolves, ang Golden State Warriors’ All-Star forward ay “the best scorer in the world.”

Tila may katuturan ang pahayag ng Wolves.

Ratsada si Durant sa naiskor na 28 puntos, 11 assists at 10 rebounds para pangunahan ang Warriors – nagtala ng season-high 21 three-pointers – sa 126-113 panalo kontra sa Timberwolves nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hataw sina Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-25 puntos para sa Golden State.

Pinagmulta si Durant ng NBA ng US$15,000 dahil sa maanghang na komento kay referee James Williams matapos siya nitong patalsikin sa laro kontra New York Knicks nitong Martes. Kaagad naman siyang humingi ng paumanhin at inamin na umakto siyang ‘diva’ at ‘jerk’.

Bago ang matikas na laro, ipinahayag din niya na siya ang No.1 pick ni LeBron James para sa gaganaping All-Star Game.

“Life could be much worse. It was definitely a fun day,” pahayag ni Durant. “I was looking forward to seeing who was going to be on the All-Star teams, looking forward to my fine and most of all looking forward to playing tonight.”

Kumana si Durant ng 6 of 9 sa three-pointers at tila playmaker sa pagsulong ng opensa para makalikha ng open shots sina Curry at Thompson.

Sa loob ng 67 segundo sa third period, naisalpak ni Durant ang dalawang three-pointer at isa kay Curry, sapat para tuluyang isuko ni Minnesotta coach Tom Thibodeau ang laban sa Warriors (39-10).

“He’s even more dangerous. He’s already the best scorer in the world,” sambit ni Wolves guard Jamal Crawford. “If he has the assists, that just makes it tough to deal with.”

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Minnesota sa naiskor na 31 puntos at 11 rebounds, habang kumana si Crawford ng 21 puntos. Sumabak ang Wolves na wala ang leading scorer na si Jimmy Butler bunsod ng injury.

NUGGETS 130, KNICKS 118

Sa Denver, kumubra si Gary Harris ng 23 puntos, habang kumana si Trey Lyles ng 21 puntos sa panalo ng Nuggets kontra New York Knicks.

Nag-ambag sina Jamal Murray at Nikola Jokic ng tig-18 puntos para sa Nuggets, nagwagi sa Knicks sa ika-10 pagkakataon sa Denver. Hindi pa nananalo ang Knicks sa Mile High City mula noong 2006.

Kumubra sina Kristaps Porzingis, nagbalik aksiyon mula sa tinamong pamamaga ng tuhod, at Michael Beasley ng tig-21 puntos para sa Knicks. Humirit sina Enes Kanter at Trey Burke ng 20 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.

THUNDER 121, WIZARDS 112

Sa Oklahoma City, nasa ‘attack mode’ si Russell Westbrook, sapat para maisalba ng Thunder ang malamyang opensa ng dalawang miyembro ng kanilang ‘Big 3’.

Ratsada si Westbrook sa naiskor na season-high 46 puntos.

“I just read the game honestly and if it’s time for me to take over, then that’s what I do,” sambit ni Westbrook.

Nakapagtala lang sina Paul George at Carmelo Anthony – dalawang star player ng Thunder na naisnab sa All-Star lineup – ng 18 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nagsalansan si Steven Adams ng 12 puntos at 10 rebounds para sa Oklahoma City, nakapagtala ng 20 panalo sa 28 laro matapos ang malamyang 8-12 simula.

Nanguna si Bradley Beal sa Wizards sa naiskor na 41 puntos, habang sina John Wall at Markieff Morris ay mat 21 at 20 puntos.

KINGS 89, HEAT 88

Sa Miami, naisalpak ni De’Aaron Fox ang rebound dunk may tatlong segundo ang nalalabi para maitakas ng Sacramento Kings ang krusyal na panalo kontra sa Heat.

Ang naturang dunk ang nagselyo sa matikas na rally ng Kings kung saan nabura nila ang 12 puntos na bentahe ng Heat sa final period mula sa 17-4 run.

Ito ang unang panalo ng Sacramento sa Miami mula noong 2001.

Nanguna si Goran Dragic sa Miamu na may 23 puntos.