Ni Gilbert Espeña

MATUTULOY na rin ang paghamon ni WBA No. 14 contender Toto Landero ng Pilipinas laban kay WBA minimumweight champion Thammanoon Niyomtrong sa Marso 3 sa Chonburi, Thailand.

Unang itinakda ang laban nina Landero at Niyomtrong, mas kilala sa alyas na Knockout CP Freshmart, nitong Enero pero biglang kinansela ang laban sa katwirang nagkaroon ng pinsala ang mga kamao ng Thai boxer.

Bagito lamang sa professional boxing ang tubong Pontevedra, Negros Occidental at 22 anyos na si Landero na may kartadang 10-1-1, ngunit may taglay siyang panalo kay WBO No. 2 at one-time world title challenger Vic Saludar na tinalo niya sa 10-round split decision noong Hunyo 10, 2017 sa Mandaue City, Cebu.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May perpektong rekord si Niyomtrong na 16 panalo, 7 sa pamamagitan ng knockouts at hindi siya lumalaban sa labas ng Thailand.

Huling naidepensa ni Niyomtrong ang kanyang korona sa Pilipino ring si mandatory at No. 1 contender Rey Loreto na nagpahirap sa kanya bago tinalo sa hometown decision noong Hunyo 15, 2017.