Ni Leandro Alborote
VICTORIA, Tarlac – Nadakma ng pulisya ang dalawang umano’y miyembro ng sinasabing Stone Throwers gang makaraang mambato ng anim na sasakyan, na ikinasugat ng isang babaeng pasahero, sa Barangay San Francisco, Victoria, Tarlac, nitong Lunes ng umaga.
Naaresto ng pulisya sina Christian Mendoza, 24; at Kiko Caranto, nasa hustong gulang, kapwa taga-Bgy. San Francisco, Victoria, Tarlac.
Ayon sa pulisya, pinagbabato ang Hyundai Starex, na minamaneho ni Marvin So, 33, negosyante, ng Batasan Hills, Quezon City; Nissan Almera ni Antonio Elicano, Jr., 23, contractor, ng Payatas, Quezon City; Toyota Innova ni PO3 Joseph Tabarrejo, 48, ng Silang, Cavite.
Napinsala naman ang windshield ng Isuzu vehicle na minamaneho ni William Moscoso, 66, ng Agoo, La Union; Mitsubishi Adventure ni Jayson Cruz; at Victory Liner bus na minamaneho ni Richard Dricon, kapwa nasa hustong.
Dahil umano sa pambabato ng mga suspek ay nasugatan at naospital si Ryzel Belardo, 26, sakay sa Nissan Almera.
Nahaharap sa malicious mischief at physical injury ang dalawang suspek.