ni Clemen Bautista
MASASABING pinakapanganay kumbaga sa magkakapatid ang malamig na buwan ng Enero sa kalendaryo ng ating panahon. Sa mga araw na saklaw ng Enero, maraming natatangi at mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa ang naganap sa buwan ng Enero. Inihudyat ng Enero ang pagsalubong at pagdiriwang ng Bagong Taon kalakip ang mga gagawing pagbabago at bagong pag-asa.
Kasunod na ang mga makulay at masayang pagdiriwang ng pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa ating mga namanang tradisyon na nakaugat na sa kultura nating mga Pilipino. Hindi nalilimuitan na pag-ukulan ng mga paghahanda at panahon ng mga kababayan natin sa mga lalawigan, bayan, barangay at lungsod na ginaganap ang mga pagdiriwang na magkasama ang pasasalamat sa Diyos at sa kanilang Patron Saint. At ang hindi kumukupas na pagbibigay-buhay sa mga namanang tradisyon at kaugalian.
Ngayong ika-22 ng malamig na Enero, isa sa mga hindi malilimot na coverage ng inyong lingkod sa DZRH ay ang madugong Mendiola Massacre sa Maynila (Chino Roces na tawag ngayon sa Mendiola). Naganap ang masaker noong hapon ng Enero 22, 1987. May 13 mga magsasaka ang napatay at 80 iba pa ang nasugatan at nasaktan na dinala at ginamot sa mga ospital sa Maynila. Ang nasabing Mendiola Massacre ay hindi na rin malilimot ng mga naulilang pamilya ng mga napatay na magsasaka. Marahil, hanggang sa ngayon, naghihintay pa rin sila ng katarungan para sa mga biktima.
Kahit may nagsabi noon na hindi mga magsasaka ang nag-rally sa Mendiola, ang pangyayari ay isang malinaw at matibay na pruweba na ang aping sektor ng magsasaka ang madalas na maging biktima ng kawalang hustisya at ng mga panlilinlang ng mga naghaharing-uri, eletista, mga makapangyarihang panginoong may-ari ng lupa at ng mga sinungaling sa pamahalaan.
Kaugnay ng Mendiola Massacre, hindi na rin malimot ng inyong lingkod ang nangyari sa may 600 magsasaka na biktima ng El Niño o tagtuyot sa iba’t ibang lugar sa North Cotabato. Nag-rally ang mga nasabing magsasaka sa harap ng provincial office ng NFA (National Food Authority upang humingi ng bigas na maisasaing. Ang naging sagot sa rally ng mga magsasaka ay marahas na dispersal. Malakas na putok ng mga baril ng mga pulis. Binomba ang mga magsasaka ng tubig ng mga bumbero. Mahigit na 300 ang mga nasaktan. Pati mga buntis at senior citizen ay dinakip, kinulong at sinampahan ng kaso.
Sa pagbabalik-tanaw sa Mendiola Massacre, noong hapon ng Enero 22, 1987 ay nag-rally ang mga magsasaka sa Mendiola. Ang tangi nilang kahilingan noon sa dating Pangulong Cory Aquino ay ipatupad nang maayos at matapat ang batas sa Repormang Pansakahan na noon ay centerpiece project pa ng rehimeng Aquino. Sa halip na pakinggan ang hiling at karaingan ng mga magsasaka, ang naging kasagutan ay mga putok ng baril at ulan ng mga bala na ikinamatay ng mga magsasaka. May 13 ang napatay at mahigit na 80 magsasaka ang nasugatan at dinala sa mga ospital. Ang mga namahala noon sa mga pulis at militar ay sina dating Western Police District Supt. Alfredo Lim (naging mayor ng Maynila) at General Ramon Montano.
Maganda ang nilalaman ng batas sa Repormang Pansakahan sapagkat ito’y mag-aahon sa mga magsasaka at puputol sa tanikala ng pagkaalipin sa lupa at kahirapan. Ngunit sa nagpalit na mga rehimen, laging bigo at palpak ang pagpapatupad ng batas. Hindi natuldukan ang pang-aapi sa mga magsasaka. Patuloy na biktima ng kawalang hustisya at bigay-bawing lupa na humahantong sa kanilang hunger strike. Ang mga lider nila ay pinapatay, ina-ambush at dinudukot.
Naitatanong ngayon ng iba nating kababayan na nagmamalasakit sa mga magsasaka, ano raw kaya ang maaasahan sa rehimeng Duterte na ang slogan ay “change is coming”. Ang kasalukuyang Secretary ng Department of Agriculture ay madalas na nagsasalita at sumasagot sa interbyu sa radyo.S a kanyang mga sagot at paliwanag ay parang ihahatid sa glorya ang mga magsasaka at mangingisda. Nasasabi tuloy ng maraming nakaririnig na magdilang-anghel daw sana ang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura at tuluyang maiahon sa kahirapan ang ating mga magsasaka.