Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, at ulat ni Argyll Cyrus B. Geducos
Sa gitna ng kontrobersiyang nilikha ng banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi nito bibigyan ng budget ang mga kongresistang hindi susuporta sa federalism na isinusulong ng gobyerno, binigyang-diin ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na ang budget ay hindi maaaring kontrolin ng iisang tao lamang.
“No one man controls the budget. The budget is a process that no one can control,” sinabi ni Pimentel sa isang panayam ng radyo kahapon.
Hindi rin pinatulan ng lider ng Senado ang apela umano ni Alvarez na huwag iboto ang mga senador at mga lokal na opisyal na kokontra sa pagpapalit ng gobyerno sa sistemang federal.
“Pabayaan na po natin siya (Alvarez), this is a free country. That is his is personality and style,” ani Pimentel.
Ito ay makaraang igiit ng Speaker na itutuloy ng Kamara ang Constituent Assembly (Con-Ass) para baguhin ang Konstitusyon kahit pa wala ang Senado, na kontra sa gusto ng Kamara na magkasamang bumoto ang dalawang Kapulungan ng Kongreso.
‘MAGHINTAY SILA’
“Mas mahina ang posisyon ng House kasi kahit sa joint voting may mga prosesong kailangang sundin,” sabi ni Pimentel.
“Kung ganyan ang posisyon, kung joint session ang basa ng House, aminin din nila na kailangang daanan lahat ng formalities na ‘yun. So, hintayin nila ‘yung pagsang-ayon ng Senado sa joint session…Mahina ang kanilang sitwasyon, kasi kailangan nilang maghintay kung papayag kami,” ani Pimentel.
Iginiit pa ng senador na ang nagkakaisang pasya ng mga senador na magdaos ito ng hiwalay na Con-Ass ay may “historical” basis. Aniya, mismong ang 1987 Constitution ang nagtatakda na ang pagboto sa bawat panukala ay dapat na gawin nang magkahiwalay.
Aniya, posibleng tumuon ang Kamara sa “blurry” na probisyon sa pag-amyenda sa batas.
Sinegundahan naman ni Sen. Panfilo Lacson ang sinabi ni Pimentel at sinabing hindi maaaring magpasya ang Kamara para sa dalawang Kapulungan ng Kongreso.
“Somebody please tell the Speaker and his congressmen followers that under a bicameral system, one chamber cannot unilaterally decide for both houses, not in the passage of the budget law, as in any piece of legislation and certainly not in revising or amending the constitution,” tweet ni Lacson kahapon.
Ayon kay Pimentel, plano niyang talakayin sa kapartido niyang si Alvarez ang mga hindi pinagkakasunduan ng dalawang Kapulungan.
COMELEC PUWEDENG KASUHAN
Samantala, sinabi naman ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na maaaring kasuhan ang Commission on Elections (Comelec) kung tatalima ito sa Kamara sa pagdaraos ng “illegal” na plebisito para sa Cha-cha nang walang permiso ng Senado.
“Kung ang Comelec ay gagawin ang plebisito, sila ay masasampahan ng kaso for malversation dahilan sa gagastos sila ng pondo ng bansa na walang pahintulot ng batas,” sinabi ni Drilon sa hiwalay na panayam sa radyo. “When we change a street name, the Senate should agree. What more if we change the Constitution.”
Kaugnay nito, sinabi ng Malacañang na nauunawaan nito ang paninindigan ng Senado, at kumpiyansa si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na maaayos din ng Senado at Kamara ang hindi pagkakaunawaan ng mga ito.
“The legislature is an independent branch of government. I believe that at the end of the day, mag-uusap-usap din ang mga Congressman at mga Senador to come up with one solution,” sinabi ni Andanar sa panayam ng DZMM.
EDUKASYON SA ‘ILLITERATE VOTERS’
Samantala, una nang iginiit ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na wala namang problema kung Con-Ass o Constitutional Convention (Con-Con) ang gagawin, basta mahalagang maturuan muna ang publiko sa mga pangunahing detalye tungkol sa pagbabago ng batas.
“Kahit na ano puwede ‘yan, puwede lahat ‘yan. Pero ang problema... alam mo sabi nung survey, biro mo three-fourths ng Pilipino, ‘di nila alam na may Saligang Batas,” ani Panelo.
“Kung ang Pilipino ay hindi ka malakas makaintindi, walang aral, kasi majority illiterate na mga botante natin, iyong lumalabas. Kailangang bigyan muna natin sila ng formal education, bago tayo gumawa ng ganyan,” sabi pa ni Panelo.