Ni ANNIE ABAD
HINDI na takot ang atletang Pinoy.
Ipinahayag ng Philippine Sports Commission (PSC) na dinagsa ng reklamo mula sa mga pambansang atleta ang binuong “Task Force” kontra sa kurapsyon sa isport na naglalayong tumulong sa mga atleta at coaches na nais magsiwalat ng pang-aabuso at katiwalian mula sa kinabibilangang National Sports Association (NSA).
Sinabi ni PSC Executive Director, Atty. Sannah Frivaldo na siya ring namumuno sa nasabing “Task Force” na dumami ang natanggap nilang reklamo at kasalukuyan nilang sinusuri upang malaman na hindi lamang ito gawa-gawa bagkus lehitimong reklamo ng mga naagrabyadong atleta.
“Makapal na nga yung files na re-review-hin namin sa dami ng gustong magreklamo,” kuwento ni Frivaldo.
Ngunit, nilinaw naman ng Executive Director na hindi dahil nagsumite ng reklamo ang isang atleta o asosasyon kontra sa sinumang opisyales, ay agad na nilang parurusahan ang sinumang sangkot.
Ayon kay Frivaldo, kailangan muna nilang salain ang mga reklamo kung ito ba ay may katibayan o maaring ang iba ay bunsod lamang ng “tampo” o di pagkakaunawaan sa pagitan ng atleta at mga opisyales nito.
“Of course we have to check kung valid ‘yung reklamo. Baka mamaya, konting tampuhan lang o kaya hindi lang napagbigyan eh bigla nang nagreklamo. We have to weigh kung gaano kabigat ‘yung accusation.And also dun sa mga nagrereklamo, they need to come up with a strong evidence and kailangan notarized yung isa-submit nilang complaint papers. Para patas tayo,” paliwanag pa ni Frivaldo.
Nag-ugat ang nasabing usapin nang magreklamo ang 12 atleta ng Philippine Karatedo Federation (PKF) sa umano’y training allowances na hindi naibigay sa kanila ng buo ng kanilang opisyal na si Raymund Lee Reyes noong kanilang pagsasanay sa Germany noong nakaraang taon.
Sa sinumpaang salaysay ng anim na atleta na isinumite kay PSC Commissioner Ramon Fernandez, Euro 400 lamang imbes na US$1,800 na approved budget ng PSC ang ibinigay sa kanila ng PKF.
Sa kasalukuyan ay patuloy na inimbestigahan ang nasabing isyu, kung saan pati ang National Bureau of Investigation (NBI) ay hiningan na rin ng tulong ng PSC upang malaman kung ano ang kasong puwedeng isampa sa mga opisyal na sangkot.
Samantala, ang grupo naman na binuo para sa mga reklamo ng mga atleta at coaches patuloy din na tumutulong upang masugpo ang katiwalian sa Philippine Sports. Kasama ni Frivaldo sa nasabing grupo ang isa pang abogado na si Atty. Dennis Apostol at ilang mga PSC officials.