Ni Celo Lagmay

BAGAMAT matagal na ring naidaos ang sinasabing matagumpay na Metro Manila Film Festival (MMFF), tulad ng ipinangangalandakan ng pamunuan ng naturang okasyon, hindi pa rin napapawi ang impresyon na mistulang kinakawawa ang industriya ng pelikulang Pilipino; na ang gobyerno ay tila walang masyadong malasakit sa pagpapaunlad ng mga katutubong panoorin. Ang ganitong mga impresyon ay hindi malayong humantong sa paghihingalo, wika nga, ng nasabing industriya.

Noong nakaraang MMFF, pitong araw lamang ang itinakda upang maitanghal sa mga sinehan ang walong pelikula na kalahok sa naturang okasyon. Pagkaraan nito, muling maghahari ang mga pelikulang dayuhan, na labis na kinahuhumalingan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga sinasaniban ng tinatawag na colonial mentality.

Sa bahaging ito gumitaw ang matinding pangangailangan na hindi lamang sa loob ng pitong araw dapat idaos ang MMFF; isang buwan o buong isang taon, kung maaari. Kaakibat nito ang pag-ayuda ng pamahalaan sa industriya ng pelikulang Pilipino, tulad ng pagkakaloob ng mababang amusement tax at iba pang kaluwagan na katumbas ng ibayong pagsisikap ng ating mga movie producers sa paglikha ng may kalidad na mga panoorin na maiaagapay sa mga pelikulang dayuhan. Lantad ang katotohanan na marami tayong maituturing na mga henyo sa paglikha ng quality films. Matatalino ang ating mga manunulat ng pelikula, mahuhusay sa pag-arte ang ating mga artista, at masisipag ang tinatawag na mga limot na bayani sa paggawa ng pelikula. Naalala ko ang mga premyadong Sino ang Maysala na ginampanan ni Romeo Vasquez, Igorota ni Charito Solis, at iba pa. Ang mga pelikulang ito ang humakot ng katakut-takot na papuri at pagkilala sa mga bansa sa Asia na pinagtanghalan ng naturang mga panoorin maraming taon na ang nakaraan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang ganitong mga pagsisikap ang dapat isaalang-alang ng gobyerno upang hindi naman tayo maituring na walang malasakit sa isang industriya na naging bahagi na ng ating mayamang kultura. Mabuti na lamang at si Quezon City Rep. Alfred Vargas, isang premyadong aktor, ay naghain ng isang panukalang-batas na mistulang magliligtas sa paghihingalo ng ating mga katutubong pelikula.

Sa pamamagitan ng Philippine Film Industry Promotion Act, magtatakda ng annual film quota o takdang bilang ng mga pelikula na dapat itanghal ng mga may-ari ng sinehan sa loob ng 28 araw. Ibig sabihin, mga panooring Pilipino lamang ang mapapanood sa mga sinehan mula Hunyo 1-14 at Disyembre 18-31 bawat taon. Ang lahat ng Filipino films ay tuluy-tuloy na itatanghal sa loob ng isang linggo, kahit na ang mga ito ay hindi maituturing na box office potentials.

Ang ganitong mga pagsisikap, kaakibat ng ayuda ng pamahalaan, ay natitiyak kong magliligtas sa kamatayan, wika nga, ng industriya ng pelikulang Pilipino.