Ni FRANCIS T. WAKEFIELD, at ulat nina Niño Luces at Betheena Kae Unite
Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa 5,318 pamilya o 21,823 katao mula sa 25 barangay sa Albay ang naapektuhan sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, na nagpapatuloy ang paglilikas sa mga residente sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, Malilipot, Ligao City, at Tabaco City sa Albay, at kasalukuyang nakatuloy sa 18 evacuation center.
Aniya, dumagsa ang bagong evacuees bandang 2:00 ng umaga kahapon makaraang dumausdos ang lava mula sa bunganga ng bulkan.
Lunes ng gabi nang mabulabog ang mga residente ng mga barangay ng Mabinit, Matanag, Bonga, at Buyuan sa Legazpi City at tarantang nagtakbuhan palabas ng kani-kanilang bahay nang dumagundong ang bulkan bandang 8:30 ng gabi, na sinundan ng pagsirit at pagbuga ng lava mula sa bunganga nito, na rumagasa patungo sa mga barangay ng Miisi at Bonga.
TARANTANG PAGLIKAS
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs), nakapagtala ito ng lava effusion mula sa
bagong pinagmumulan ng lava, na senyales ng tumitinding pag-aalburoto ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Nakapagtala rin ng siyam na pagyanig, ang apat dito ay sinundan ng sandaling pagbuga ng lava at 75 lava collapse events, o katumbas ng rockfall sa loob ng permanent danger zone (PDZ).
Daan-daang residente ang natipon sa labas ng kani-kanilang bahay bitbit ang mga personal nilang gamit habang nag-aabang ng sasakyan ng gobyerno o kahit mga pribadong sasakyan na maghahatid sa kanila sa mga evacuation center.
“Alert Level 3 remains in effect over Mayon Volcano, which means that it is currently in a relatively high level of unrest as magma is at the crater and hazardous eruption is possible within weeks or even days,” anang NDRRMC.
Dahil dito, kanselado ang klase sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Sto. Domingo, at Tabaco City.
ALTERNATIBONG RUTA
Kasabay nito, tinukoy ang mga alternatibong ruta sakaling tuluyang sumabog ang Mayon, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa DPWH, alternatibong daanan ang Legazpi-Sto Domingo-Tabaco Road at Tabaco-Ligao National Secondary Road.
Ang mga sasakyang mula sa Maynila patungong Legazpi at Sorsogon ay maaaring dumaan sa Camalig-Comun-Gapo-Peñafrancia National Secondary Road sakaling apektado ng pagsabog ng Mayon ang Camalig Section ng Daang Maharlika Highway.
Puwede ring dumaan sa Ligao-Tabaco Road, na alternatibo sa Guinobatan Section ng Daang Maharlika Highway sakaling umabot ang abo sa Guinobatan, ayon sa DPWH.