Ni Bert de Guzman
Pinahihinto ng mga kongresista ang TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) nina Pres. Rodrigo Roa Duterte at kanyang finance-economic managers na siguradong ang sasagasaan daw ay mga ordinaryong manggagawa at kawani, lalo na ang mga arawan (daily wage earners). Totoong mas malaki ang kanilang take-home pay at exempted sa pagbabayad sa buwis, pero ang naiuwi naman nilang sahod ay tiyak na babawiin sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin, pasahe, serbisyo atbp. Kung ganoon, sila rin ang tatamaan ng TRAIN.
Nais ng Makabayan Bloc sa Kamara sa pangunguna nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ACT Teachers’ Party-list Rep. Antonio Tinio at Anakpawis Ariel Casilao, na pigilin ng Supreme Court ang implementasyon ng bagong batas sa buwis.
Ayon sa kanila, ni-railroad ang approval nito dahil wala namang quorum noon at iilan lang ang mga mambabatas sa session hall.
Badya ni Zarate: “Nakasandig ang petisyon namin sa katotohanan na tahasang nilabag ang Konstitusyon at mga alituntunin nito nang ratipikahan ang conference committee report ng TRAIN bill nang walang quorum at walang botohan.”
Sa kanilang 34-pahinang petisyon, hiniling nila sa SC na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) para ipatigil ang pagpapatupad ng batas at ideklara itong imbalido. Sinabi ng “Kaliweteng grupo” na 10 kongresista lang, kabilang silang petitioners, ang nandoon nang ito’y ratipikahan o pagtibayin. Sa panig ng Malacañang, ipagtatanggol nila ang tax reform law o TRAIN sapagkat ang gobyerno ay may kapangyarihang magpataw ng buwis.
Binira si Budget Sec. Benjamin Diokno ang isang opisyal ng organisasyon ng mga guro, nang sabihin niyang hindi prioridad ng Duterte admin ang pagtataas sa sahod ng mga teacher. Ayon kay Benjo Brosas, chairman ng Teachers’ Dignity Coalition (TDD), dapat tumalima si Diokno sa order ni PRRD na pag-aralan at humanap ng mga paraan para taasan (o doblehin) ang sahod ng mga guro.
Sabi nga sa akin ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Look who’s talking now? Noong panahon ni PNoy, panay ang banat ni Diokno kapag nagbabalak magtaas ng buwis. Puna siya nang puna kina ex-Budget Sec. Butch Abad at finance-economic managers ni PNoy na pahirap daw sa taumbayan ang bagong buwis. Pero, ngayon siya mismo ang isa sa nagsusulong sa TRAIN.” Tugon ko: “Ganyan ang gulong ng buhay, minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Sila ngayon ang nasa ibabaw, hintayin nating mapudpod ang kanilang gulong.”
Binasahan ng sakdal si ex-PNoy noong Biyernes kaugnay ng Mamasapano case na ikinamatay ng 44 SAF commandos noong Enero 2015. Kasamang binasahan ng sakdal si ex-PNP SAF chief director Getulio Napenas Jr. Si ex-PNP chief Alan Purisima ay binasahan na noong Pebrero 2017. Ang may hawak ng kaso ay ang Sandiganbayan 4th Division.
May “nagtataas ng kilay” sa early retirement ng Court of Appeals (CA) justice na sumulat ng desisyon para palayain si ex-Palawan Gov. Joel Reyes, akusado sa pagpatay sa environmentalist-broadcaster na si Gerry Ortega. Para kay Bayan Muna Rep. Zarate, nakapagdududa ang maagang pagreretiro ni CA Justice Normandie Pizarro matapos palayain si Reyes.
Bigla ang pagtaas ng sahod ni PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa TRAIN ni PRRD. Magiging P121,143 ang sahod niya simula sa taong ito. Tatlong buwan ang kanyang extension. Ang kasalakuyan niyang suweldo ay P67,500 na biglang naging P121,143 sa pagharurot ng TRAIN ng pangulo at finance-economic managers. Ang suweldong ito ang kanyang magiging buwanang pensiyon.