DEBOSYON Taas-kamay na nanalangin ang mga deboto sa kasagsagan ng prusisyon ng mga replica ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila kahapon. (MB photo |  JANSEN ROMERO)
DEBOSYON Taas-kamay na nanalangin ang mga deboto sa kasagsagan ng prusisyon ng mga replica ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila kahapon. (MB photo | JANSEN ROMERO)

Nina Mary Ann Santiago, Bella Gamotea, at Fer Taboy

Magpapatupad ng dalawang araw na gun ban sa buong Metro Manila simula hatinggabi ng Lunes, hanggang hatinggabi ng Enero 10 para sa Traslacion.

Ito ang ipinahayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Diretor Oscar Albayalde.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ipaiiral din sa Maynila ang 36-hour liquor ban o pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak sa layong 200 metro mula sa ruta ng Traslacion, simula 6:00 ng gabi ng Lunes-5:00 ng madaling araw ng Enero 10.

Isasagawa rin ang signal jamming sa cell phone sa loob ng isang kilometro buhat sa Andas ng Itim na Nazareno sa ruta ng prusisyon.

Ngayong araw, itinalaga ang mahigit 1,000 sundalo na makakatuwang ng mahigit 6,000 pulis para sa Poong Nazareno bukas.

Nabatid na binubuo ang Joint Task Group “Nazareno” ng mga tauhan ng Army, Philippine Air Force, Philippine Navy, Northern and Southern Luzon Commands at AFP Reserve Command, na parte ng puwersa ng Security, Medical, K9, Explosives and Ordnance Disposal and Chemical, Biological, Radiological at Nuclear Explosives teams na iappakalat mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.

Pahayag ni AFP JTF-NC commander Brigadier General Alan Arrojado, ang kanilang puwersa ay mananatiling nakaalerto upang pigilan ang anumang grupo na nagnanais magsamantala sa pagdiriwang.

Noong 2017, nasa 1.4 milyon ang sumama sa prusisyon na nagtagal ng mahigit 22 oras bago makarating sa Quiapo Church.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Joel Coronel, suspendido ang lahat ng permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa National Capital Region (NCR).

Sa ilalim ng gun ban, mga unipormadong sundalo at pulis ang maaaring magdala ng armas.

Ilang kalsada naman sa lungsod na daraanan ng prusisyon ang isasara.

Batay sa abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang 10:00 ng gabi kagabi ay sinimulan nang isara sa daloy ng trapiko ang Katigbak at South Drives, gayundin ang northbound lane ng Quezon Boulevard at McArthur Bridge, mula Bonifacio Shrine, at ang kahabaan ng Taft Avenue mula Ayala Boulevard hanggang Bonifacio shrine.

Pagsapit ng 12:00 ng madaling araw ng Enero 9, isasara ang mga tulay ng McArthur, Jones, at Quezon, gayundin ang Roxas Boulevard, mula Katigbak drive hanggang T.M. Kalaw Street; at ang magkabilang linya ng Quezon Boulevard.

Kaagad din namang bubuksan sa mga motorista ang mga naturang kalsada sa sandaling lumampas na ang buntot ng prusisyon.

Pinapayuhan ng awtoridad ang mga motorista na umiwas muna o humanap ng mga alternatibong ruta sa mga naturang lugar upang hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko.

Milyun-milyong deboto ang inaasahang makikiisa sa naturang prusisyon, na itinuturing na isa sa pinakamalaking relihiyosong aktibidad sa bansa.