Workers arrange plastic barriers at Quirini grandstand, January 6,2018. The barriers will be used during the Feast Day of the Black Nazarene where tens of thousands of barefoot devotees are expected to attend.(Czar Dancel)
Workers arrange plastic barriers at Quirini grandstand, January 6,2018. The barriers will be used during the Feast Day of the Black Nazarene where tens of thousands of barefoot devotees are expected to attend.(Czar Dancel)

Nina BELLA GAMOTEA at JEL SANTOS

Tiniyak kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na all systems go na para sa isasagawang ‘Pahalik’ at Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno sa Maynila sa Lunes at Martes.

Sinabi kahapon ni Albayalde na nakalatag na ang mahigpit na seguridad sa Quirino Grandstand, kung saan idaraos bukas, Enero 8, ang taunang Pahalik sa Poon, gayundin sa ruta ng Traslacion hanggang sa Quiapo Church sa Martes, Enero 9.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Inaasahan ang pagdagsa ng mahigit 19 na milyong deboto sa Traslacion, kung saan katuwang ng NCRPO ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, mga religious leader, mga lokal na opisyal, at civic organizations sa pagtiyak sa kaligtasan ng publiko.

Una nang inihayag ni Albayalde ang pagpapakalat ng mga sniper ng Philippine National Police (PNP) sa mga high-rise building, at pagpapalipad ng mga drone para magsagawa ng monitoring sa ruta ng Traslacion.

Kasama ang mga sniper sa 5,613 uniformed personnel na ipakakalat ng PNP simula bukas ng madaling araw hanggang sa Miyerkules upang matiyak ang seguridad ng mga aktibidad.

Muling iginiit kahapon ni Albayalde na walang namo-monitor na banta ng terorismo o kaguluhan ang PNP kaugnay ng Traslacion ng Poong Nazareno, bagamat nilinaw niyang hindi nakakampante ang pulisya.

Aabot naman sa 2,000 tauhan at volunteers ang ipakakalat ng Philippine Red Cross (PRC) sa Maynila sa Martes.

Sinabi kahapon ni PRC Chairman Richard Gordon na magde-deploy ang Red Cross ng 44 na ambulansiya at magbubukas ng siyam na 9 first aid station, isang emergency medical unit, isang amphibian, isang 6x6 truck, isang fire truck, isang rescue truck, dalawang humvee, apat na plastic boat, at mga welfare desk sa ilang ospital para sa pagresponde sa mga pangangailangan ng mga deboto.