Ni Jun Fabon at Rommel P. Tabbad

Kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax evasion sina Customs fixer Mark Taguba at negosyanteng si Yi Shen Dong, na mas kilala bilang Kenneth Dong, kinumpirma kahapon ni BIR Commissioner Cesar Dulay sa isang press conference.

Inakusahan si Taguba ng hindi pagbabayad ng P11 milyon buwis, habang si Dong naman ay hindi nakapagbayad ng P850 milyon buwis.

Nabatid na ang mga kaso ay isinampa sa Department of Justice (DoJ) at una nang tinukoy ni Taguba si Dong na nagpasok ng 600 shipments, sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BoC), mula Marso hanggang Mayo 2017.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang umano sa mga transaksiyon ni Taguba ay ang shipment na naglalaman ng 605 kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon, noong Mayo 23 ng nakaraang taon.

Sa Senate investigation noong nakaraang Agosto, itinanggi ni Taguba ang akusasyon at sinabing hindi niya alam na naglalaman ng ilegal na droga ang shipment.

Sa kabila nito, inamin niya na nagbigay siya ng P17 milyon lagay sa BoC officials sa loob ng tatlong buwan.