Ni Erik Espina
MARAMING natuwa sa naunang inilabas na listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga “suspects” – pulitiko, huwes, o unipormadong hanay— sa ipinagbabawal na gamot.
Maaari kasing ang mga ito ang utak o mamumuhunan sa negosyo ng droga. Maaari rin na “tulak” ang mga ito. O kaya, pawang protektor ng masamang bisyo gamit ang kanilang mga armadong “bata”, hit man o tiwaling pulis. Tanong ko lang:
Ano ang tawag sa mga opisyales na hindi protektor, tulak, o namumuhunan ng ipinagbabawal na gamot, subalit tumatanggap ng lagay para lang manahimik? Yung tipong, walang nakikita? Busal ang bibig? At nagbibingi-bingihan dahil may buwanang pabuya ang mga drug lord para?
Ano naman ang bansag sa mga lokal na opisyal o mambabatas na sinasabuyan ng “campaign funds” tuwing halalan, mula sa katas ng drug money?
‘Di ba nagbabala si PDU30 na matutulad tayo sa mga bansang South America na dumausdos sa narco-politics? And’yan din ang realidad na may ibang mga tagapagtaguyod ng “jueteng” ay pinasok na rin ang droga dahil mas mabilis ang pasok ng pera. Panahon na talaga upang salain ang mahabang listahan ng mga pangalan na umano’y sabit sa naturang listahan.
Imbestigahan at alamin, sinu-sino ang mamumuhunan? Sino ang pangunahing tulak? Protektor? Tumatanggap lang ng lagay mula drugs? Naging kandidato ng mga drug lord? Tumitira ng drugs? Drug addict?
Habang rebisahin din kung buhay pa o patay na sila. O baka idinamay sa listahan ng mga magkakaugnay sa baba dahil kalaban sa pulitika at para pag-initan ng Palasyo? Gustong ilaglag ng pulis para hindi masabit kay Digong? May mga pangalan bang nakaalpas dahil may padrino sa gobyerno? Ang mahalaga, posible bang may iilang inosenteng apelyido na nagkamaling isinali?
Huwag naman sana. Sa panahong lumalakad, hindi pwede na basta na lang hayaang nakanganga ang listahan at binibitin na walang katiyakang paplantsahin ng batas.
Kung may basehan o ebidensiya, agad nang suspendehin. Kasuhan din upang mapanagot sa Hukuman. Habang burahin ang mga pangalan ng hindi dapat kasama, lalo kung ang batayan ay sabi-sabi lang o hangaring manira o mandamay dahil pagkakataon na ito upang sipatin, dungisan, o mapatalsik ang kalaban sa pulitika.