MINNEAPOLIS (AP) — Mapanila ang Timberwolves at ang dumadaudos na Lakers ang pinakabago nilang biktima.
Nagsalansan si Jimmy Butler ng 28 puntos, habang naitala ni Karl-Anthony Towns ang ika-30 double-double ngayong season – 16 puntos at 13 rebounds – para pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa dominanteng 114-96 panalo sa Los Angeles Lakers nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nailista ng Timberwolves ang ikapitong panalo sa huling walong laro at ika-10 sa kabuuang 13 laban.
Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 21 puntos at season-high siyam na rebounds, habang tumipa Gorgui Dieng ng 17 puntos mula sa bench.
Nanguna sa Jordan Clarkson sa naiskor na 20 puntos para sa Lakers, nabigo sa ikapitong sunod na laro at ika-10 sa huling 11 laro. Hindi nakalaro bunsod ng injury sa Lakers sina starters center Brook Lopez (ankle), guards Kentavious Caldwell-Pope (legal) at Lonzo Ball (shoulder).
Humataw din sina Julius Randle na may 15 puntos at Brandon Ingram na kumana ng 14 puntos. Hindi naman nakatulong si Kyle Kuzma, leading scorer ng Lakers sa averaged 17.9 puntos, na nalimitahan sa anim na puntos.
BLAZERS 124, BULLS 120
Sa Chicago, nailista ni C.J. McCollum ang 32 puntos, kabilang ang tiebreaking basket may 56.5 segundo ang nalalabi sa overtime, para sandigan ang Portland Trail Blazers kontra sa Bulls.
Humugot si Al-Farouq Aminu ng season-high 24 punto at kumana si Evan Turner ng season best 22 puntos para sa Portland, naglaro na wala ang leading scorer na si Damian Lillard sa ikalimang sunod na pagkakataon.
Kumubra sina Kris Dunn ng 22 puntos at Nikola Mirotic na may 18 puntos mula sa bench ng Chicago, banderang-kapos sa ikalawang sunod na laro.
Tumapos si Lauri Markkanen ng 19 puntos, kabilang ang jumper na nagtabla sa iskor sa 120-all may 1:14 ang nalalabi sa extra period. Sinundan ito ng floater ni McCollum at dalawang free throw para maselyuhan ang panalo ng Blazers.
Nag-ambag si Pat Connaughton ng 16 puntos para sa Portland.
NETS 98, MAGIC 95
Sa New York, nasilo ng Brooklyn Nets, sa pangunguna ni rookie Jarrett Allen na may career-high 16 puntos, ang Orlando Magic.
Kumana si Allen Crabbe ng 15 puntos at nabutata ang posibleng game-tying shot ng Magic sa buzzer. Nag-ambag si Caris LeVert ng 15 puntos, habang tumipa sina DeMarre Carroll ng 14 puntos, 10 rebounds para sa matikas na kampanya sa bagong taon matapos ang malamyang 1-3 marka sa road trip.
Nanguna sa Magic sina Aaron Gordon na may 20 puntos at 12 rebounds, at Elfrid Payton na may 17 puntos. Nailista naman ni Bismack Biyombo ang 13 puntos at season-high 17 boards.
Naisalpak ni Crabbe ang dalawang free throws para sa tatlong puntos na bentahe ng Nets may 18 segundo sa laro.
Abante ang Orlando sa 93-90 may 1:51 sa laro mula sa dalawang free throw ni Gordon. made a pair of free throws. Naidikit ni Hollis-Jefferson ang iskor sa 93-92 may 1:31 sa laro bago nasundan ng three-point play ni LeVert para maagaw ang kalamangan sa 95-93. Muling nagtabla sa 95-all mula sa jumper ni Orlando guard Wes Iwundu.
Umiskor si Carroll ng free throws para selyuhan ang panalo ng Brooklyn.
RAPTORS 131, BUCKS 127
Sa Toronto, nailista ni DeMar DeRozan ang franchise-record 52 puntos para gabayan ang Raptors sa pagpapatalsik sa Milwaukee Bucks at makopo ang ika-12 sunod na panalo sa home game.
Nalagpasan ni DeRozan ang marka na pinagsaluhan nina future Hall of Famer Vince Carter at Terrence Ross, na kapwa umiskor ng 51 puntos.
Humugot si Kyle Lowry ng 26 puntos, habang nag-ambag din si Serge Ibaka ng 11 puntos sa Raptors, namayani sa Air Canada Centre sa 12 sunod.
Nag-ambag si Eric Bledsoe ng 29 puntos, habang humirit si Giannis Antetokounmpo ng 26 para sa Bucks. Nag-ambag din si Khris Middleton na may 18 puntos.