Isang snatcher ang inaresto at ginulpi ng bystanders matapos umanong hablutin ang cell phone ng isang pasahero ng jeep sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Mahaharap sa illegal possession of firearms at alarm and scandal si Federico Alcala y Matulac, 54, company driver, ng Barangay Cembo, Makati City.

Sa inisyal na ulat sa Southern Police District (SPD), nangyari ang snatching sa loob ng isang pampasaherong jeep sa JP Rizal Extension malapit sa Guadalupe Ferry Station sa Bgy. Cembo dakong 12:30 ng umaga.

Sakay ang hindi pinangalanang babaeng pasahero at ang suspek sa jeep na patungong Mantrade nang biglang bumaba ang huli sabay hablot sa cell phone ng biktima bago tumakbo patawid sa Osmeña Highway papuntang Heneral Tinio Street sa Bgy. Bangkal.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nagsisigaw sa paghingi ng tulong ang biktima kaya naalerto ang mga bystander sa lugar at hinabol ang suspek, dinakip at pinagtulungang bugbugin nang maabutan sa panulukan ng Heneral Tinio at Apolinario Street ng Bgy. Bangkal.

Natigil lang ang pambubugbog sa suspek nang dumating ang mga nagpapatrulyang sina PO2 Irula at PO1 Quimbo, at nakumpiska kay Alcala ang isang .45 caliber Armscor pistol, walong bala at pitong basyo. - Bella Gamotea