Nagkomento si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro hinggil sa pagsama ng pangalan niya sa isang "senatoriable" survey para sa 2028.
Sa panayam sa kaniya ng isang radio news program nitong Lunes, Abril 13, 2026, iginiit niyang bagama't natutuwa raw siya sa mga nagkokonsidera sa kaniyang maging kandidato sa pagkasenador, hindi pa raw niya naiisip ang eleksyon 2028.
"Hindi ko ‘yan inisip although syempre may mga tao na nagsasabi na, 'Oy tumakbo ka, tumakbo ka," ani Castro.
Dagdag pa niya, "Siguro masarap na pakinggan kasi may mga tao na maaaring magtiwala sa'yo dahil sa ginagawa mo pero syempre hindi pa siya pumapasok sa isip ko, sa totoo lang."
Matatandaang isa ang pangalan ni Castro sa isinama sa isang senatoriable survey para sa 2028 na inilathala kamakailan.
Nagsimulang gumawa ng ingay ang pangalan ni Castro magmula nang siya ang isinalang ng Palasyo sa araw-araw na press briefing simula noong 2025, bilang Palace Press Officer.
Mas nakilala rin siya sa pamamagitan ng kaniyang YouTube Channel kung saan malimit siyang magbigay ng mga maaanghang at matatalas na komentaryo laban sa kritiko ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Noong 2025 din nang palagan niya ang naging komento sa kaniya ni Vice President Sara Duterte hinggil sa pagiging magpinsan daw nila ni dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro—bagay na tahasang pinabulaanan ng undersecretary.
“May experience na kasi ako sa Castro na apelyido. Si France Castro, wala talagang maayos na lumabas doon sa bibig ng babae na 'yon. Siguro itong pinsan niya na si Claire Castro kaya ganiyan din siguro, galing sila sa isang puno,” ani VP Sara sa isang panayam noong 2025.
Banat naman ni Castro, “Nilinaw ko na po 'yan minsan at alam n'yo po 'yan, ang patungkol sa nasasabing relasyon namin ni Representative France Castro. Sinabi ko po na kami po ay hindi magkamag-anak, magkapareho lang po siguro ng surname.”
Hindi rin umano niya ikakahiya kung nagkataong magkamag-anak umano sila ng naturang mambabatas.
“Pero hindi ko po ikakahiya kung siya man po ay naging kamag-anak ko. Dahil siya po ay makabayan. Masasabi po nating makabayan, makatao rin po. Pero nagkataon lang po, hindi po kasi kami magkamag-anak,” saad ni Castro.