Ni Orly L. Barcala

Habang tinitipa ang artikulong ito, agaw-buhay ang isang 3-anyos na babae matapos mabaril ng kanyang tiyuhin sa Valenzuela City, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa isinumiteng report ni SPO3 Lorena Hernandez, officer-in-charge ng Women’s and Children Concerned Desk (WCPD) kay Police Chief Inspector Rhoderick Juan, head ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), hanggang ngayon ay nasa intensive care unit ng Valenzuela City Medical Center ang biktima at wala pa ring malay, matapos mabaril ng shotgun sa ulo.

Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek na si Reynaldo P. Loveras, alyas Saya, 32, No. 1621 Calle Onse, Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa imbestigasyon ni PO2 Mary An Ayco, ng WPCD, nag-away ang suspek at ang asawa nitong si Sherina dahil sa umano’y pambabae ng una, bandang 4:00 ng hapon.

Kinuha ni Loveras ang shotgun para ipanakot sa misis at pabagsak itong ipinatong sa lamesa hanggang sa pumutok at tamaan ang bata na noo’y bumibili ng yema sa tindahan ng kapitbahay.

Tumakas ang suspek kaya hindi ito naabutan ng mga tauhan Police Community Precinct (PCP) 2, ngunit pagsapit ng 8:00 ng gabi, tumawag ito sa kanyang misis at sinabing naka-check-in siya sa isang motel sa Bagong Barrio, Caloocan City.

“Nakipag-coordinate ‘yung misis ng suspek sa mga operatiba ng PCP 2 at sinabi ang kinaroroonan ng asawa, kaya sumugod kaagad ang mga pulis natin,” sabi ni Major Juan.

Hindi na nakaporma pa si Loveras nang pasukin siya sa loob ng motel at posasan.

Nakuha sa kanya ang shotgun na may limang bala.