Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Pangungunahan sana ni Pangulong Duterte ang turnover ng unang 500 transitory shelter sa Marawi City, Lanao del Sur habang hinihintay ng mga apektadong residente ang pagkumpleto sa rehabilitasyon sa siyudad na nawasak sa limang buwang bakbakan.

Gayunman, dahil sa masamang panahon ay hindi natuloy ang biyahe ng Pangulo sa Marawi kahapon.

Umaga kahapon nang kumpirmahin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagdalo ng Pangulo sa turnover ceremony sa Barangay Sagonsongan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“This afternoon, the President will turn over 500 units of housing in Sagonsongan. This is only the first of temporary housing units we will be transferring to the people of Marawi as promised,” sabi ni Roque. “Nagsimula na pong bumangon ang Marawi dahil ito po ang kauna-unahang housing shelters na ililipat, na ibibigay sa mga naging biktima ng digmaan dito sa Marawi.”

Tiniyak din ni Roque na ang 500 pansamantalang tirahan ay mayroon nang supply ng tubig at kuryente.

Gayunman, sinabi ni Task Force Bangon Marawi (TFBM) at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Eduardo del Rosario na 250 units pa lamang ang maaaring tirahan sa Bagong Taon, habang ang 250 pa ay matutuluyan na sa Enero 7, 2018.

“The first 250 temporary shelters will be occupied before the New Year, the rest will be occupied before January 7.

The reason is ‘yun pong bahay kumpleto na, pero ‘yung kuryente at tubig iko-connect pa sa main line. That’s why we’re delaying the occupancy,” sabi ni del Rosario. “Our target is to distribute 1,170 housing units in Marawi not later than February.”

Oktubre 23 nang ideklara ni Pangulong Duterte ang pagtatapos ng digmaan sa Marawi eksaktong limang buwan makaraan itong salakayin ng Maute-ISIS noong Mayo. Mahigit 1,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa labanan.