Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Inihayag ng Malacañang na patuloy itong umaasa sa "good faith" ng China, sa kabila ng napaulat na kinumpirma ng Asian giant ang pagpapalawak "reasonably" sa mga inaangkin nitong isla sa South China Sea (SCS).

Ito ay matapos na kumpirmahin ng Beijing, sa ulat ng Reuters, na pinalawak nito “reasonably” ang mga isla nito sa South China Sea, at sinabing umabot na sa 72 acres ang nasaklaw ng construction projects nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinagtitiwalaan ng Malacañang ang China dahil ang lokasyon ng mga nasabig konstruksiyon ay hindi pa isinasapubliko.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“We don’t know where these works are. We continue to rely on China’s good faith,” saad sa text message ni Roque sa mga mamamahayag sa Palasyo.

“Location is material since we do not have claims on all the islands and waters in the disputed area,” banggit pa niya.

Ayon sa Reuters report, mula sa National Marine Data and Information Service ng China, nagsagawa ang Asian giant ng malawakang land reclamation work sa ilang isla at mga bakawan na kontrolado nito sa South China Sea, kabilang ang pagtatayo ng paliparan, dahilan para maalarma ang mga katabing bansa at ang Amerika.

Sinabi ng Beijing na ang trabaho ay nakatutulong sa pandaigdigan nitong serbisyo, gaya ng search-and-rescue, ngunit inaming mayroon ding military purpose. Sinabi rin ng China na maaari nitong gawin ang anumang naisin sa sarili nitong teritoryo.

Batay sa ulat na inilabas nitong Biyernes, pinaigting din ang military patrols, at wala nang binigay na iba pang detalye.

Simula nang manungkulan bilang Pangulo, isinantabi ni Pangulong Duterte ang isyu sa China hinggil sa South China Sea upang bumuo ng mabuting ugnayan sa mga kalapit na bansa.

Gayunman nitong nakaraang buwan, sinorpresa ni Duterte ang mundo, kabilang si Chinese President Xi Jinping, nang magbago ang pananaw niya sa pinag-aagawang dagat nang pinasalamatan ang China sa tulong nito sa katatapos na digmaan sa Marawi City, Lanao del Sur.

“At one moment in our life or the lives of the Filipinos, they were there to give us the arms when we had none and we were fighting it out in Marawi,” ani Duterte. “But let us be clear on what we intend to do here because eventually it will affect the entire Philippine archipelago.”

“These are the things that we cannot forget. But these things should not be used as, not really a pawn, but as bargaining chips on what is the greater interest of Southeast Asia and more particularly, the higher interest of our country,” sinabi ni Duterte ngayong buwan.

Tinangka ni Duterte na talakayin kay Xi ang isyu nang magkaharap sila sa 2017 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Vietnam noong nakaraang buwan. Sinabi ni Duterte na nagulat si Xi sa biglaang pagbabago ng kanyang pananaw, ngunit inunawa ito bilang si Duterte ang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon.