Inihayag ng Malacañang na naging matagumpay ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga ngayong 2017, sa kabila ng mga pagbabago sa awtoridad na nangangasiwa sa kampanya.

Ngayong taon, binawi ni Duterte ang awtoridad mula sa Philippine National Police (PNP) at inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa mga akusasyon ng pag-abuso ng mga pulis sa kapangyarihan.

Ngayong buwan, ibinalik ni Duterte ang PNP sa drug war, sa takot na lumala ang sitwasyon ng droga sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagbaba ng bilang ng krimen ay patunay lamang na naging matagumpay ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga ngayong taon.

National

Giit ni Romualdez: ‘AKAP’ tugon daw ng gobyerno sa pagtaas ng presyo ng bilihin

“Well, ang alam mo ang figure that is not disputed is that crime rates went down by 35 percent. To me, that’s a major accomplishment,” lahad ni Roque sa pahayag.

“It’s been hugely successful. I think the communities are safer and our young people are better protected against drugs,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Roque ang uri ng pamamahalang ginawa ni Duterte sa kampanya, lalo na sa pagtatalaga nito sa PNP na hawakan ang kampanya, sa kabila ng mga kritisismo at nang masangkot ang pulisya sa extra-judicial killings (EJKs).

“What can I say other than the President really wants the most efficient means of conducting a war against drugs,” ani Roque.

Samantala, inihayag ni Roque na asahan ng publiko na magiging mas maayos ang pamamahala sa kampanya kontra droga, dahil natuto na umano ang gobyerno mula sa mga nakaraang pagkakamali.

Ayon sa PNP, bumaba ng pitong porsiyento ang bilang ng krimen sa bansa sa unang walong buwan ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Mula sa kabuuang 393,150 insidente mula Enero hanggang Agosto 2016, nakapagtala ang pulisya ng 364,915 krimen sa unang walong buwan ng 2017, o bumaba ng 7.18%, ayon sa PNP.

Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang humanap o gumawa ng paraan upang maging mas katanggap-tanggap ang drug war sa lahat.

“I will walk the extra mile for one day to find it [acceptable way of addressing the drug war]. But until then, I will not allow my country to go to the dogs,” lahad ni Duterte sa kanyang salaysay nitong Disyembre.

Nagpahayag din ang Pangulo ng kanyang determinasyon na tapusin ang drug war hanggang sa katapusan ng kanyang termino. - Argyll Cyrus B. Geducos