Ni Czarina Nicole O. Ong

Mistulang bumubuhos ngayon ang mga reklamong kriminal laban kay dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

Makaraang ipagharap ng plunder nitong Disyembre 15, isang bagong grupo ang naghain kahapon ng reklamong graft laban sa dating Presidente at sa walong iba pa dahil sa kontrobersiyal na P3.5-bilyon Dengvaxia vaccination program.

Inihain ng mga miyembro ng Gabriela ang reklamo sa Office of the Ombudsman kasama ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia. Bukod kay Aquino, kasama rin sa reklamo sina dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget and Management Secretary Florencio Abad, at dating Executive Secretary Paquito Ochoa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang din sa mga sinampahan ng reklamo ang ilang opisyal ng Sanofi Pasteur: Vice President Guillaume Leroy, CEO Olivier Brandicourt, Medical Director Dr. Ruby Dizon, Asia Pacific Head Thomas Triomphe, at Country Chair for Sanofi-Aventis Carlito Realuyo.

Disyembre 1, 2015, sa Climate Change Summit sa Paris, France, nang makipagpulong sina Aquino at Garin sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur sa follow-up meeting sa naging pulong nila sa China kaugnay ng bakuna ng Sanofi laban sa dengue—ang kauna-unahan sa mundo.

Disyembre 10 nang magsumite si Garin ng panukala sa DBM para sa pagbili ng tatlong milyong dose ng Dengvaxia.

Gayunman, iginiit ng mga complainant na nakikipagpulong na si Garin sa Sanofi ilang buwan bago ang Disyembre.

Kasabay nito, nagsumite ng request ang Department of Health (DoH)-Family Health Office kay Garin ng Disyembre 28 na i-exempt ang Dengvaxia sa Philippine National Formulatory.

Noong nakaraang taon, mahigit 700,000 batang mag-aaral ang binakunahan ng Dengvaxia—na inamin kamakailan ng Sanofi na para lamang sa mga dati nang dinapuan ng dengue, at delikado sa mga hindi pa nagkakaroon ng nasabing sakit.