Isang pinaniniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), na 11 taon nang pinaghahanap sa kasong murder at namamasada na ngayon ng tricycle, ang inaresto ng pulis na nagpanggap na pasahero niya, nitong Biyernes.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang naaresto na si Abdulmuin Yahiya, alyas “Jayson”, 35, ng Basilan Street, Salaam Compound sa Barangay Culiat.
Dinakip si Yahiya ng pinagsanib na mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU), National Intelligence Coordinating Agency (NCR-NICA), at Naval Intelligence and Security Group (NISG) ng Philippine Navy makaraang makatanggap ng tip mula sa isang residente ng Salaam Compound na isang matagal nang wanted ang nakatira sa lugar.
Ayon kay Senior Insp. Paterno Domondon, ng DSOU, bineripika nila ang sumbong, na kinumpirma naman ng mga awtoridad mula sa Zamboanga at Basilan.
Natuklasan din ni Domondon na si Yahiya ay pinsan ni Hadji Taufik Sanihin Yahiya, alyas “Nonong Yakan”, na isa sa mga “hardcore” na miyembro ng Abu Sayyaf at wanted sa siyam na bilang ng murder at apat na bilang ng frustrated murder sa Mindanao.
Sinabi pa ni Domondon na inamin umano ng suspek na nagtrabaho ito dati para sa Abu Sayyaf bilang courier, at malapit sa bandidong grupo.
Mayroon din umanong nakabimbing arrest warrant si Yahiya sa Basilan Regional Trial Court noong Agosto 2006, at walang inirekomendang piyansa para sa kanya.
Ayon kay Domondon, naaresto ang suspek bandang 10:00 ng umaga nitong Biyernes sa Tandang Sora Avenue, makaraang magpanggap na pasahero ang isang pulis.
Dagdag pa ni Domondon, tumakas patungong Saudi Arabia si Yahiya at nanirahan doon ng walong taon upang makaiwas sa pag-aresto, bago bumalik sa bansa at nanirahan sa Quezon City. - Alexandria Dennise San Juan