ni Bert de Guzman
SINIBAK ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang lahat ng opisyal o commissioners ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) dahil sa umano’y walang katuturang mga biyahe (junkets) sa ibang bansa, at pagkabigong magdaos ng pulong sapul nang hirangin sila sa puwesto.
Ang PCUP, na isang collegial body, ay pinamumunuan ni Terry Ridon, dating kinatawan sa Kamara ng makakaliwang Kabataan Party-list, at hinihinalang isa sa mga front ng Communist Party of the Philippines. Ang iba pang sinibak ni PRRD ay sina Commissioners Melissa Aradanas, Joan Lagunda, Manuel Serra Jr. at Noe Indonto.
Kabilang si Ridon sa makakaliwa at progresibong indibiduwal na hinirang ni Mano Digong sa mga sensitibong posisyon sa kanyang administrasyon bilang pagbibigay sa kahilingan ng CPP-NPA-NDF nina Jose Ma. Sison, Luis Jalandoni at Fidel Agcaoile, na isama sa kanyang Gabinete ang mga ito.
Pinagbigyan sila ni PDu30 na umaasta ring makiling sa leftist groups at nakikipagkaibigan sa New People’s Army, lalo na noong siya ay alkalde ng Davao City. Hinirang niya sa Cabinet sina Judy Taguiwalo bilang DSWD secretary, at Rafael Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform. Gayunman, tinanggihan ng makapangyarihang Commission on Appointments ang kanilang nominasyon.
Sarkastiko ang pahayag ni Pres. Rody sa pagsibak sa mga pinuno ng PCUP, lalo na kay Ridon, na umano’y pitong beses nagbiyahe (junkets) sa ibang bansa sapul nang hirangin noong Setyembre, 2016: “At isiping ang tanggapan ay isang urban poor agency. Hindi ko maintindihan kung bakit dapat kang dumalo sa bawat pulong sa international scene,” maanghang na badya ng presidente.
-oOo-
Ang kasabihang ang buhay o kapalaran ng isang tao ay parang isang gulong, na minsan nasa itaas, minsan ay nasa ilalim ay nangyayari ngayon kay dating Pangulong Noynoy Aquino. Pinadalo siya sa Senate hearing tungkol sa kontrobersiyal na P3.5-bilyon dengue vaccine program, o paggamit ng Dengvaxia, noong panahon niya. Ang pagtuturok umano ng Dengvaxia ay nagdudulot ng panganib sa buhay ng mga batang mag-aaral.
Bukod dito, parang tinutugis na rin ng karma si ex-PNoy hinggil naman sa pagkamatay ng 44 na SAF commando sa Mamasapano encounter noong 2015. Akusado siya sa pagpayag na magmando at lumahok ang suspendidong ex-PNP chief na si Alan Purisima sa mapanganib na operasyon.
Gulong ng buhay at karma ang kinakaharap ngayon ng ex-president na nagpakulong kay ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo, nagpa-impeach kay ex-SC Chief Justice Renato Corona, at iba pa.
Kung buhay sina ex-Sen. Ninoy Aquino at ex-Pres. Cory Aquino, baka tanungin si Noynoy ng ganito: “Anak bakit nagkaganito?. Pati kami ay napupulaan dahil sa mga kapalpakan mo. Bakit ‘di mo inaksiyunan ang problema sa traffic, MRT-3, tanim-bala sa NAIA, atbp?”