Villagers wade through a flooded street in Brgy Calingatngan, in Borongan, on easterm Samar in central Philippines on December 16, 2017.  A boy drowned and tens of thousands were driven from their homes by floods as Tropical Storm Kai-Tak pounded the eastern Philippines, cutting off power and triggering landslides, officials said / AFP PHOTO / ALREN BERONIO

Nina AARON RECUENCO, FRANCIS WAKEFIELD, at FER TABOY

Umaabot sa 15 katao ang nasawi sa iba’t ibang lalawigang sinalanta ng bagyong 'Urduja' sa Bicol at Eastern Visayas nitong Sabado hanggang kahapon.

Batay sa pinagsama-samang datos mula sa awtoridad, 10 katao ang nasawi sa landslide sa Biliran, dalawa ang natabunan ng gumuhong lupa sa Romblon, isa pa ang namatay sa landslide sa Camarines Norte habang may tig-isa namang nalunod sa Leyte at Masbate.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nasa 19 ang nasugatan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), habang 29 na iba pa ang nawawala.

Ayon kay SPO1 Eladio Francisco, ng Naval Municipal Police sa Biliran, tatlong residente na ang kumpirmadong nasawi sa landslide sa Barangay Lucsoon nitong Sabado, subalit iniulat ng mga opisyal ng barangay na nasa 25 pa ang nawawala.

“The local residents said there are 25 to 30 people who were buried there. The search and rescue operations are ongoing,” sabi ni Francisco.

Sa isa pang landslide sa bayan ng Caibiran, pito naman ang namatay nang matabunan ng lupa sa Sitio Macalpe sa Bgy. Cabibihan bandang 6:00 ng gabi nitong Sabado.

“A total of seven victims were retrieved as of 2:30 p.m. (Sunday). There are still missing based on the statements of local residents,” sabi ni SPO2 Edgar Sinagote, ng Caibiran Police.

Sa Romblon, nasawi ang mag-asawang Matilde at Masolinie Romero, kapwa 60 anyos, nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay sa Bgy. Mabini sa San Fernando, Romblon bandang 11:00 ng gabi nitong Sabado.

Sa Leyte, isang dalawang taong gulang na lalaki, si David Bravo, ang nalunod sa Mahaplag, Leyte, habang pagkalunod din ang ikinamatay ni Genalyn Baola, 42, nang matangay ng baha habang lumilikas mula sa Sitio Naga, Bgy. Sta Cruz sa Palanas, Masbate bandang 8:00 ng umaga kahapon.

Natabunan ng lupa ang bahay at kaagad na nasawi si Conchinta Nequita, 58, sa Bgy. Exciban sa Labo, Camarines Norte bandang 2:30 ng umaga kahapon, samantalang apat niyang kaanak ang nasugatan, kabilang sina Jennifer Nequita, Francis Bio, at dalawang paslit.

Nawawala naman si Sheryl Mirasol y Balingbing, 31, makaraang tumalon mula sa hanging bridge sa Bgy. Malbogon sa Libmanan, Camarines Sur dakong 10:00 ng gabi nitong Sabado, matapos makipagtalo sa kanyang mister.

Iniulat din ang pagkawala ng tatlong mangingisda mula sa mga bayan ng Balangiga at Lawaan sa Eastern Samar.

LUBOG SA BAHA

Samantala, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 8 na nalubog sa baha ang siyam na bayan sa Samar, 18 sa Leyte, at 15 sa Eastern Samar, gayundin ang ilang panig ng Capiz, Iloilo at Negros Occidental, at ang malaking bahagi ng Bicol.

Daan-daang libong katao ang naapektuhan ng Urduja, habang libu-libo rin ang stranded sa Bicol at Western Visayas.

BAGYONG 'VINTA'

Samantala, posibleng salantain ng paparating na bagyo ang mga lugar na napuruhan ng Urduja kapag tuluyan nang naging bagyo ang sama ng panahon na papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) at tatawaging ‘Vinta’, ayon kay Aldczar Aurelio, ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay Aurelio, maaaring pumasok sa bansa ang isa pang bagyo bukas, Martes, o sa Miyerkules.

“Posible pong tatahakin ng paparating na bagyong ‘Vinta’ ang daan ni ‘Urduja’. Usually, sa ganitong mga buwan, Visayas at Mindanao ang dinadaanan ng mga bagyo dahil sa malamig na hanging Amihan,” ani Aurelio.

Kahapon ng tanghali, nananatili pa rin ang Urduja sa Calbayog, Northern Samar matapos ang magdamagang paghagupit sa Eastern Samar, at tinatayang nasa nasa layong 675 kilometro sa kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan, o sa labas na ng PAR, sa Huwebes ng umaga.

May ulat nina Niño Luces, Ruel Saldico, Restituto Cayubit, at Rommel Tabbad