SAN FERNANDO CITY, La Union – Apat na katao ang inaresto nang magpaputok umano ng baril at manggulo sa Christmas party sa Barangay Cabaraon, San Fernando City, La Union, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na si Pablo Ariola, 56, at anak na si Vincent, 32; kasama sina Glenn Peña, 40; at Jerry Peralta, 54, pawang taga-Bgy. Camilo Osias at Nalasin, sa bayan ng Balaoan.

Inaresto ang mga suspek sa ulat na natanggap ng pulisya ng panggugulo ng mga ito, na pawang lasing umano, sa Christmas party ng mga apartment boarder.

Limang beses umanong nagpaputok ng baril si Vincent at nagkagulo ang mga tao, bukod pa sa tinutukan umano ng baril si Talal Hussien Ali Nasser, 22, Yemeni, na isa sa boarders.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nakarekober ang pulisya ng isang .45 caliber pistol at pitong basyo ng bala sa lugar.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong alarm and scandal. - Erwin Beleo