Ni Roy Mabasa at Beth Camia

Ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagbuwag sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) dulot ng ‘junket’ o pagbibiyahe sa ibang bansa ng mga opisyal nito, at ang kanilang kabiguan na matupad ang mandato bilang collegial body.

Sa press briefing sa Malacañang kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tinanong siya ng Pangulo kung ano ang iba pang komisyon na kinakailangang buwagin dahil sa mga kadahilanang nasa likod ng naturang desisyon.

“So, this kind of work performance has no place in the Duterte administration,” sabi ni Roque.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binigyang-diin niya ang determinasyon ng administrasyon sa kampanya nito laban sa kurapsiyon, at sinabing ang desisyon sa pagbuwag sa PCUP “prove beyond doubt that the President is very serious in his anti-corruption campaign.”

Inihayag ang pasya ng Pangulo makalipas ang ilang araw na espekulasyon na nilikha ng pahayag ni Duterte noong nakaraang linggo na sisibakin niya ang isang komisyon sa paniniwala na hindi maisasagawa ang corruption nang hindi nalalaman ng mga namumuno nito. Gayunpaman, hindi niya pa tinukoy noon kung aling ahensiya ng pamahalaan ang binabanggit niya.

Ayon kay Roque, ang unang dahilan ng pagbuwag ni Duterte sa PCUP ay ang kawalan ng pagpupulong ng mga opisyal bilang collegial body.

Pangalawa, sinabi ni Roque na natuklasan ng Pangulo na ang mga komisyuner ay kilala sa pagbibiyahe sa ibang bansa.

Ang kasalukuyang PCUP commissioners ay ang dating party-list representative na si Terry Ridon, sina Dr. Melissa Aradanas, Dr. Joan Lagunda, Manuel Serra at Noe Indonto — at maging si Ridon ay hindi sinabihan tungkol sa desisyon ng Pangulo.

Hinggil sa kahihinatnan ng mga empleyado ng PCUP, ayon kay Roque: “I do not know yet. But an abolition of an office under our law means that they will all be severed from government.”

Tiniyak naman ni Roque na may ibang mga ahensiya ng gobyerno na aako sa tungkulin ng PCUP, kabilang ang National Anti-Poverty Commission.