Ni Ellson A. Quismorio
Pinagtibay ng mga mambabatas ang P3.767-trilyon General Appropriations Bill (GAB) for 2018 sa penultimate session day ng taon, at nakahanda na itong lagdaan ni Pangulong Duterte bago mag-Pasko.
Sinabi ni House Appropriations Committee chairman, Davao City 1st Rep. Karlo Nograles na ang GAB, na mayroong bersiyon ang Kamara at Senado, ay inaprubahan ng Bicameral Conference Committee bandang 2:00 ng hapon kahapon.
Ito ay matapos ang dalawang linggo ng masususing deliberasyon ng mga kongresista at senador sa pagsisikap na mapagkaisa ang magkakaibang probisyon ng kani-kanilang bersiyon ng panukalang budget para sa susunod na taon.
Sa taya ni Nograles ay mapipirmahan na ang panukalang national budget upang maging batas bago sumapit ang Disyembre 19, o sa mismong petsa.
“President Rodrigo Duterte can proudly affix his signature to this measure on December 19 following its ratification,” aniya, na ang tinutukoy ay ang self-imposed deadline ng Presidente sa pagpirma sa 2018 national budget.
Kabilang sa mga maipagmamalaki sa measure ang bilyun-bilyong halaga ng mga benepisyo para sa sektor ng edukasyon: ang karagdagang P1,000 cash allowance para sa public school teachers, ang dagdag na hindi bababa sa P10 milyon sa bawat state universities and colleges (SUCs), at ang libreng pag-aaral sa kolehiyo.