Pinalitan ang tagapamuno ng mother unit ng pambansang kapulisan para sa anti-narcotics operations, ilang araw matapos ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) ang giyera kontra droga.

Sa Lunes, pamumunuan ni Senior Supt. Albert Ignatius Ferro ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG), at papalitan niya si Chief Supt. Joseph Adnol sa isang seremonya na inaasahang pangungunahan ni outgoing PNP chief Director General Ronald dela Rosa.

Kinumpirma ni Ferro sa Balita ang kanyang pagbabalik bilang head ng anti-drug group ng PNP ngunit tumangging magbigay ng pahayag, sinabing ito ay magiging parte ng kanyang assumption speech sa Lunes.

Nang hingan ng komento, sinabi ni PDEG spokesman Supt. Enrico Rigor na ang lahat ng desisyon para sa reorganization ay nasa desisyon ni Dela Rosa, bilang hepe ng PNP.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Senior Superintendent Ferro enjoys the trust and confidence of the Chief PNP. Most probably, the Chief PNP thinks that Senior Superintendent Ferro is the right person to accomplish his plan for the renewed drug war,” ayon kay Rigor.

Pinamunuan ni Ferro ang Anti-Illegal Drugs Task Force (AIDG) ngunit natabunan ang mga accomplishment ng unit dahil sa kontrobersiya sa pagkamatay ng South Korean executive na si Jee Ick Joo.

Si Joo ay “inaresto” sa kanyang bahay sa Angeles City noong Oktubre ng nakaraang taon sa ilalim ng anti-drugs operations at dinala sa Camp Crame kung saan umano ito pinatay sa sakal. Gayunman, nanghingi pa rin ng ransom ang mga suspek sa pamilya ng biktima.

Isinangkot ang AIDG operatives sa pagdukot-pagpatay kay Joo, kabilang ang Superintendent. Sila ay pawang kinasuhan.

Dahil sa insidente, inalis sa eksena ang PNP at ‘di nagtagal ay binuwag ang AIDG noong Pebrero ng nakaraang taon. Ito ay pinalitan ng PDEG na unang pinamunuan ni Chief Supt. Graciano Mijares nang payagan ang PNP na umaksiyon sa giyera kontra droga.

Nangako ang PNP na isusulong ang hindi madugong operasyon sa muli nilang pagbabalik sa giyera kontra droga. - Aaron Recuenco