SINAGASA ni Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder ang depensa ng Memphis Grizzlies. (AP)
SINAGASA ni Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder ang depensa ng Memphis Grizzlies. (AP)

CLEVELAND (AP) — Maagang nakabangon ang Cleveland Cavaliers sa kabiguang natamo sa Indiana.

Naitala ni LeBron James ang ika-58 career triple-double para sandigan ang Cavaliers sa 105-98 panalo kontra Philadelphia 76ers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Humakot si James ng 30 puntos, 13 rebounds at 13 assists para muling ibalik ang kumpiyansa ng Cavaliers matapos maputol ang 13-game winning streak sa kabiguan sa Indiana Pacers Biyernes ng gabi.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa kabila ng kakulangan sa pahinga bunsod nang pagkaantala ng kanilang flight mula sa Indianapolis, matikas ang Cavs na nagawang makaabante ng double digits sa unang tatlong period.

“This is a big win for us,” pahayag ni James. “After everything that we went through last night, your whole day is kind of just screwed up. For us to come out here and be professionals — nobody’s going to feel sorry for you — everyone just gave what they had and we were very resilient, have a lot of resolve.”

Naagaw ng Sixers ang bentahe sa 96-91 mula sa breakaway dunk ni rookie Ben Simmons, ngunit nakabawi ang Cavaliers sa naibabang 14-2 run tampok ang three-point play ni James at three-pointer ni Kyle Korver para selyuhan ang panalo.

ROCKETS 124, BLAZERS 117

Sa Portland, Oregon, hataw si James Harden sa naiskor na 48 puntos para gabayan ang Houston Rockets sa matikas na pagbangon mula sa 14 puntos na paghahabol kontra sa Portland Trail Blazers.

Hataw si Harden sa 16 of 29 sa field at humugot ng walong rebounds para sa ikasiyam na sunod na panalo ng Rockets (20-4). Nag-ambag si Chris Paul ng 24 puntos at kumana si Trevor Ariza ng 13 puntos.

Naitala ni Damian Lillard ang franchise record na siyam na 3-pointers para sa kabuuang 35 puntos sa Portland (13-12), habang kumubra si C.J. McCollum ng 28 puntos at tumipa si Al-Farouq Aminu ng 15 puntos.

Nadomina ng Portland ang Houston sa third period sa naiskor na 11 sunod na puntos para sa 78-72 bentahe. Nahila ng Blazers ang abante sa 14 puntos bago na-bench si Lillard bunsod nang pananakit ng kanang paa.

Sinamantala ng Rockets ang pagkawala ni Lillard para mailunsad ang pagbangon at magawanang makadikit sa 103-98 may pitong minuto ang nalalabi. Nagbalik si Lillard, subalit tangan na ng Houston ang momentum tuluyang naagaw ang bentahe sa 110-109 sa three-pointer ni Ariza.

THUNDER 102, GRIZZLIES 101 (OT)

Sa Memphis, Tennessee, naisalpak ni Russell Westbrook ang dalawang free throw may 5.2 segundo ang nalalabi sa overtime para sandigan ang Oklahoma City Thunder kontra sa Grizzlies.

Kumubra si Westbrook ng 19 puntos, 14 assists at 11 rebounds, habang tumipa sina Carmelo Anthony at Steven Adams ng tig-21 puntos, habang kumana ng career-high 20 puntos si Alex Abrines, pumalit sa puwesto nang injured na si Paul George.

Nanguna si Tyreke Evans sa Memphis na may 29 puntos at 13 rebounds, habang si Marc Gasol ay humugot ng 22 puntos.

SPURS 104, SUNS 101

Sa Phoenix, pakitang-gilas ang bench ng San Antonio, sa pangunguna ni Bryn Forbes na bumuslo ng three-pointer sa huling 21.5 segundo ng laro para maisalba ng Spurs ang matikas na pagbalikwas ng Suns.

Binigyan ng pahinga ni coach Greg Popovich sina forward Pau Gasol at Manu Ginobili matapos ang mabigat na panalo kontra sa Boston nitong Biyernes at injured sina Danny Green (left groin tightness) at Kyle Anderson (left MCL sprain).

Sa kabila nito, nagawang makontrol ng Spurs ang tempo ng laro at nakaabante sa 19 puntos sa third quarter bago nakabawi ang Suns para maagaw ang kalamangan sa 100-99 mula sa breakaway dunk ni Marquese Chriss may 1:32 ang nalalabi sa laro.

Abante ang Suns sa 101-99 mula sa split free throw ni Josh Jackson may 29 segundo ang nalalabi. Sa opensa ng Spurs, naipasa ni Patty Mills ang bola kay Forbes na walang kabang binitiwan ang ika-anim na pagtatangka sa 3-pointer.

Nagmintis si Phoenix’s Mike James, kumana ng career-high 25 puntos, sa kanyang 3-pointer at nakuha ng Spurs ang rebound bago naselyuhan ang panalo sa dalawang free throw ni Mills.

Kumubra ng tig 20 puntos sina Mills at LaMarcus Aldridge para sa ikaapat na sunod na panalo ng San Antonio at ikawalo sa huling siyam na laro.

Sa iba pang laro, pinatahimik ng Milwaukee Bucks ang Utah Jazz, 117-100; dinagit ng Atlanta Hawks ang Orlando Magic, 117-110; ginapi ng Chicago Bulls ang New York Knicks, 104-102; at naungusan ng Los Angeles Lakers ang Charlotte Hornets 110-99.