Ni Beth Camia at Mary Ann Santiago

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police (PNP) sa isinumbong ng journalist na si Jomar Canlas hinggil sa pagbabanta sa kanyang buhay.

Napag-alaman na dumulog sa NBI at sa pulisya si Canlas matapos niyang makatanggap ng pagbabanta sa buhay sa pamamagitan ng text messages.

“PUT_ _G ina mo jomar canlas, 3 kaming papatay sa iyo, marami ka ng kasalanan sa amin, magbilin ka na sa asawa mo at sa anak mo, bago ka mamatay, Hdi ito pananakot, ds time talagang patay ka jomar (sic),” saad sa text message.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Posible umanong may kinalaman ang mga banta sa pagtestigo ni Canlas, reporter ng Manila Times, sa Kamara nitong Nobyembre 26.

Matatandaang pinabulaanan ni Canlas ang pahayag ni Atty. Larry Gadon na si Associate Justice Teresita de Castro ang kanyang source sa pagbago umano ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa temporary restraining order laban sa proclamation ng party-list ng mga senior citizen.

Mariin namang kinondena ng pamunuan ng Manila Police District Press Corps (MPDPC) ang mga nasa likod ng pagbabanta sa buhay ni Canlas.

“Don’t shoot the messenger!” giit ni MPD Press Corps President Mer Layson matapos dumulog ni Canlas sa tanggapan ni MPD Director Joel Napoleon Coronel upang humingi ng tulong.

Ayon kay Layson, ginagampanan lamang ni Canlas ang kanyang tungkulin bilang isang mamamahayag na naghahatid ng balita at impormasyon.

Nangako naman si Coronel na bibigyan ng proteksiyon at seguridad si Canlas, kabilang na rito ang pagpapabilis sa pagpapalabas ng lisensiya at permit to carry firearms nito.