Warriors at Cavs, humirit ng ‘come-from-behind’ win.

NEW ORLEANS (AP) — Sa ikalawang sunod na laro, naghabol ang Golden State Warriors at sa dominanteng ratsada sa third period nagawang pasukuin ang New Orleans Pelicans, 125-115, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Ratsada si Stephen Curry sa natipang 31 puntos at 11 assists, bago nagtamo ng sprained sa kanang paa, para sandigan ang Warriors sa 21 puntos na paghahabol sa first half tungo sa ika-apat na sunod na panalo. Sa isinagawang x-ray, negatibo naman ang resulta ng injury ng two-time MVP.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 22 puntos at kumubra sina Kevin Durant at Draymond Green ng tig-19 puntos para sa Warriors.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nanguna si Jure Holiday sa naiskor na 34 puntos, habang humugot si E’Twaun Moore ng career-high 27 puntos para sa Pelicans, nabigo sa ika-apat na sunod sa huling limang laro.

Humugot si DeMarcus Cousins ng 19 puntos at 11 rebounds. Kapwa sila napatalsik sa laro ni Durant matapso tawagan ng second technical fouls sa huling minuto ng laro.

Nabaon ang Warriors sa 69-49 sa halftime. Tulad nang kaganapan sa laro laban sa Miami Heat nitong Linggo, sumagitsit ang Warriors sa third period sa impresibong 15-0 run, tampok ang dalawang dunks ni Durant at tig-isang three-pointer nina Thompson at Green.

Tuluyang naagaw ng Golden State ang bentahe sa 96-95 mula sa breakaway dunk ni Andre Iguodala may 8:31 ang nalalabi sa laro.

CAVS 113, BULLS 91

Sa Cleveland, nadomina ng Cavaliers, sa pangunguna nina Dwyane Wade at Kevin Love na tumipa ng tig-24 puntos, ang Chicago Bulls.

Hataw din si LeBron James sa Cavs (17-7) sa naiskor na 23 puntos.

Nanguna si Kris Dunn sa Bulls (3-19) sa nahugot na 15 puntos.

CELTICS 111, BUCKS 100

Sa TD Garden, maagang nag-init ang opensa ni Jayson Tatum bago dumiskarte si Kyrie Irving sa krusyal na sandali para sandigan ang Boston Celtics kontra sa Milwaukee Bucks.

Naisalpak ni Tatum ang apat na triples sa unang siyam na minuto, habang kumana si Irving ng 14 puntos sa third period para maisalba ng Celtics ang nag-aalimpuyong si Giannis Antetokounmpo na kumubra ng 40 puntos para sa Bucks.

Tumapos si Irving na may 32 puntis para sa Celtics (21-4), habang nagsalansan sina Al Horford at Tatum ng 20 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nag-ambag si Khris Middleton sa Bucks sa nakubrang 19 puntos, habang kumana si Eric Bledsoe ng 18 puntos.

HORNETS 104, MAGIC 94

Sa Charlotte, N.C., mabangis ang pagbabalik laro ni Kemba Walker mula sa pinsala sa kanang balikat sa naitumpok na 29 puntos at pitong assists, habang naitala ni Dwight Howard ang rebounding milestone sa panalo ng Hornets kontra Orlando Magic.

Impresibo si Walker, hindi nakalaro sa huling dalawang laban ng Hornets, para tanghaling unang player sa kasaysayan ng prangkisa na nakapagtala ng 200 career 20 puntos o higit pa. Naisalpak din niya ang perpektong 14-of-14 sa free throw.

Nag-ambag si Howard ng 12 puntos at siyam na rebounds para lagpasan sina dating Charlotte coach Paul Silas at Dikembe Mutombo sa ika-19 puwesto sa all-time NBA rebounding list.

Sa iba pang laro, natuldukan ng Memphis Grizzlies, sa pangunguna ni Marc Gasol na may 21 puntos, ang 11-game losing skid sa 95-92 panal kontra Minnesota Timberwolves; ginapi ng Dallas Mavericks ang Denver Nuggets, 122-105; nasilo ng Brooklyn Nets ang Atlanta Hawks, 110-90; dinurog ng Utah Jazz at Washington Wizards, 116-69.