NI: Jun Fabon

Pinaimbestigahan ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, Quezon City Police District (QCPD) director, ang bangkay ng retiradong US Army na si Wilson Cotez Palanca na natagpuang naaagnas sa inuupahan niyang apartment sa Quezon City, base sa naantalang report ng pulisya.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District - Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD- CIDU), nakalanghap ng nakasusulasok na amoy ang may-ari ng apartment sa Barangay Paang Bundok, Quezon City.

Ayon kay Alejandro Cruz, may-ari ng apartment, naamoy niya ang mabahong amoy, tila patay na daga, mula sa nirerentahang kuwarto ni Palanca, dakong 6:30 ng gabi nitong Biyernes.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Agad humingi ng tulong si Cruz sa mga opisyal ng barangay na sina Reynaldo Tan, Sr., Rogelio Culapo, at kay PO2 Jefferson Sadang ng CIDU.

Pinuntahan nila ang tinutuluyan ng retiradong US Army, sa Unit-6, 3rd floor, sa No. 193 Iba Street, La Loma, at pawang nagtakip ng ilong.

Dahil hindi binubuksan ang pinto, nagdesisyon silang buksan ito nang sapilitan at tuluyang tumambad ang naaagnas na si Palanca.