Ni: Mark L. Garcia

BACOLOD CITY – Patuloy na pinipinsala ng peste sa isang lungsod sa katimugang Negros ang mga palayan, at aabot na sa P8.4 milyon ang naapektuhang pananim, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA).

Gayunman, ang mga magsasaka na naapektuhan ng peste ay hindi saklaw ng crop insurance program, dahil ang pesteng nagdulot ng pinsala, ang Rice Grain Bug (RGB), ay hindi kabilang sa listahan ng insurable crop damages ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Nobyembre 22 nang ipinakita sa report ng OPA na aabot sa P8,376,856.10 ang tinatayang halaga ng nalugi dahil sa pinsala ng peste sa 221.24 na ektarya ng palayan ng 208 magsasaka sa Sipalay City, Negros Occidental.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Inihayag kahapon ni Provincial Agriculturist Japhet Masculino na humiling na si Governor Alfredo Marañon Jr. sa PCIC, sa pamamagitan ng ni President Jovy Bernabe, na ibilang ang mga pinsalang dulot ng RGB sa mga saklaw ng seguro.

“It was not included in the PCIC as it is an emerging pest,” ani Masculino. Una rito, sinabi niyang simula pa noong Agosto ay namiminsala na ang mga peste sa mga palayan.

Sinabi naman ni Jose Maria Torres, PCIC provincial office manager, na ang nasabing hiling ay idinulog na sa PCIC Board, at umaasang mapapabilang na ito sa susunod na taon.

Sa progress report, nakapagbigay na ang OPA ng 25 pakete ng Metarhizium anisopliae, isang uri ng bio-controlling fungus na pumapatay sa RGB, sa Sipalay.