Ni: Ariel Fernandez
Napasugod ang medical team ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa arrival area matapos makatanggap ng tawag hinggil sa pagkahulog ng bata mula sa departure level.
Sa report ni Dr. Denise Lauren Dalmacion, ng Manila International Airport Authority (MIAA) Medical, himalang nakaligtas ang isang 5-anyos na lalaki nang mahulog mula sa 12 hanggang 15 talampakan sa departure level ng East Satellite, bandang 8:22 ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Muhammad Alif Bin Azizan, Malaysian, na bumibiyahe kasama ang kanyang ama at lolo patungong Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia at sakay sa Philippine Airlines flight PR 662.
Napag-alaman na nadulas ang isang paa at nawalan ng balanse si Muhammad habang naglalaro sa departure. Hindi agad napansin ng ama at lolo ng biktima ang bata dahil kapwa abala sa paghahanda ng mga bagahe.