Ni: Jun Fabon
Inaresto ng mga awtoridad at kaagad na kinasuhan sa korte ang asawa ng isang kasambahay na inireklamo sa panghahalay sa dalagitang amo ng kanyang misis sa Quezon City.
Base sa report ng Quezon City Police District (QCPD- District Special Operations Unit (DSOU), ang 13-anyos na biktima ay taga-Barangay Holy Spirit, habang naaresto naman ang suspek na si Bernardo Caber, 50, asawa ng kasambahay ng pamilya ng biktima.
Nabatid sa reklamo ng ina ng dalagita na ilang beses umanong hinalay ni Caber ang biktima at nitong Biyernes ay muling ginahasa ang menor de edad habang nag-iisa sa bahay.
Inaresto ang suspek bandang 10:00 ng gabi nitong Linggo sa kanyang bahay.
Itinanggi naman ng suspek ang panghahalay, pero inaming minolestiya niya ang dalagita.
Gayunman, natuklasan sa resulta ng medico legal na iprinisinta ni Insp. Djoanna Santos, ng Women’s Protection Desk ng QCPD, na kumpirmadong hinalay ang biktima.
Nakakulong na ang suspek sa DSOU makaraang kasuhan sa Quezon City Prosecutor’s Office ng rape na may kaugnayan sa Anti-Child Abuse Law o RA 7610.