BIRADA ng magkapatid na Matt at Mike Nieto, at all-around game nina Thirdy Ravena, Isaac Go at Vince Tolentino ang lakas ng Ateneo Blue Eagles na nabigong tapatan ng De La Salle University Green Archers tungo sa 76-70 decision sa Game One ng UAAP Season 80 men’s basketball best-of-three championship nitong Sabado sa MOA Arena
Kung hindi makababawi ang Archers sa Game Two sa Miyerkules sa Araneta Coliseum, tuluyang maagaw ng Eagles ang korona at madagit ang unang kampeontao mula noong 2012.
Sa tindi ng depensa ng Eagles, natuliro si season Most Valuable Player Ben ‘The Big B’ Mbala na nalimitahan sa career-low walong puntos.
“We couldn’t play Ben Mbala straight up one on one. We needed all of our five guys to come up and do the roles in order to slow down Ben. That was important for us,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.
Naging pisikal ang laban na nagresulta sa pagkasugat sa kanang kilay ni Matt Nieto matapos matamaan ng siko ni Mbala sa isang rebound play.
Ngunit, higit pang tumapang ang Eagles, sa pangunguna ni Mike Nieto.
Pagkaraang maibaba ng La Salle ang kanilang 14-puntos na kalamangan, sumingasing ang opensa ni Mike Nieto at umiskor ng pitong sunod na puntos sa simula ng fourth canto na sinundan ni Tyler Tio ng isang jumper para sa 69-59 bentahe may 6:34 pang natitirang oras sa laban.
Nakaganti pa ang Archers ng 11-4 blast sa naunang 9-1 run ng Eagles sa pangunguna ni Aljun Melecio upang tapyasin ang bentahe, 70-71, may nalalabi pang 2:31 sa laro.
Kasunod nito, mabilis na itinaas sa tatlo ang lamang ng Ateneo matapos ang isang drive ni Thirdy Ravena bago senelyuhan ni Isaac Go mula sa assist ni Ravena sa undergoal shot.
Tumapos si Ravena na may 12 puntos, anim na rebounds, at apat na assists, habang nagtala ang kambal na Nieto ng tig-11puntos.
Nanguna naman sa Archers si Melecio na may game high 24-puntos. - Marivic Awitan
Iskor:
Ateneo (76) - Ravena 12, Ma. Nieto 11, Mi. Nieto 11, Asistio 10, Tolentino 9, Black 7, Go 5, Verano 5, Ikeh 4, Tio 2, Mamuyac 0, Mendoza 0, Porter 0.
DLSU (70) - Melecio 24, Ri. Rivero 10, Mbala 8, P. Rivero 7, Santillan 7, Tratter 7, Baltazar 4, Montalbo 3, Caracut 0, Go 0, Paraiso 0, Tero 0.
Quarters: 26-14, 43-39, 60-58, 76-70.