Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Major General Restituto Padilla na masasabing may “bad faith” ang mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na pansamantalang pinalaya upang makibahagi sa peace talks kung hindi kusang susuko ang mga ito.

Hiningan ng komento tungkol sa mga NDFP consultant, ipinaliwanag ni Padilla na sakaling magpasya ang korte na ipaarestong muli ang mga ito at hindi sila susuko, malinaw na senyales ito na wala silang balak na bumalik sa kanilang pinagmulan.

“I will only describe that with two words: Bad faith,” sabi ni Padilla. “So we entered into a negotiation in good faith, the government showed its sincerity. There are certain protocols part of which is the JASIG (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees) and as you said the temporary release in custody of certain individuals so that they can participate in the negotiations but they also know and they are aware that release from custody is only temporary, so they should submit themselves back to the folds of law.”

Sinabi ni Padilla na ang hindi pagsuko ng mga NDFP consultant ay magkakaroon ng malaking epekto sa labanan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng New People’s Army (NPA).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“So, kung talagang nagnanais silang magdulot ng katahimikan para sa buong kapuluan then sila na mismo ang dapat magde-decide na sana noong nagkaroon ng usapang pangkapayapaan naging maayos ang kanilang naging pakikitungo at naging willing sana sila sa maaaring naging kasunduan na hindi naging hardliner ang stance nila,” ani Padilla.

Kabilang sa 20 NDFP consultant na pansamantalang pinalaya sina Benito at Wilma Tiamzon, Adelberto Silva, Alfredo Mapano, Tirso Alcantara, Pedro Codaste, Porferio Tuna, Concha Araneta Bocala, Ernesto Lorenza, Eduardo Ganelsa, Ariel Arbitrario, Runel Saluta, Jaime Solidad, Keneddy Bangibang, at Alan Jazmines.

Una nang nagbanta si Pangulong Duterte na ipaaaresto niya ang lahat ng opisyal ng NDFP, makaraang opisyal na kanselahin ng pamahalaan ang usapang pangkapayapaan sa kilusan.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ipatutupad ng pulisya ang anti-terrorism law laban sa mga rebelde sa inaasahang pagpapaigting pa ng opensiba ng NPA, kung magkakaroon ng pormal na deklarasyon ang gobyerno na grupong terorista na ang NDFP at NPA.

Mas matindi ang parusang itinatakda ng Human Security Act of 2007, ang anti-terror law ng Pilipinas, kumpara sa mga parusa sa paglabag sa Revised Penal Code, na karaniwan nang ginagamit sa pagsasampa ng kaso sa mga rebelde. - Francis Wakefield

at Aaron Recuenco