Nina BETH CAMIA at FER TABOY

Makalipas ang walong taon, mailap pa rin ang hustisya para sa 58 nasawi sa Maguindanao massacre.

Base sa case update ng Supreme Court Public Information Office, wala pa ni isang nahahatulan sa 197 akusado sa nasabing pamamaslang, at 103 sa mga ito ay kasalukuyan pang nililitis.

Sa 197 akusado, 115 lamang ang naaresto at 15 sa mga ito ay may apelyidong Ampatuan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Isa sa mga akusado ay napalaya dahil sa kakulangan ng probable cause, isa ang inialis mula sa amended information, dalawa ang ginawang state witness, at apat, kabilang na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr., ang namatay habang nakakulong.

Hanggang nitong Nobyembre 21, umabot na sa 273 ang testigong nakuhanan ng testimonya, na 166 rito ay para sa prosecution at ang 107 ay para sa defense.

Nasa tatlong final stages na ang mga kaso laban sa mga akusado, na pinangungunahan ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr.

Tatlumpu’t isa sa mga akusado ang nakapagbigay na ng ebidensiya para sa kanilang depensa.

Una nang nangako si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pabibilisin ang pagbibigay hustisya, hindi lang sa kaso ng Maguindanao massacre, kundi sa iba pang mga nakabimbin na kaso.

Nangyari ang massacre noong Nobyembre 23, 2009, nang harangin ng armadong kalalakihan ang convoy ng misis ni dating Buluan Mayor Toto Mangudadatu na maghahatid ng certificate of candidacy ng kanyang mister na lalaban kay Andal Ampatuan, Jr. para sa halalan noong 2010.