Suportado ng Bantay Konsumer, Kalsada, Kuryente (BK3) ang panawagan ng Philippine Association of Stores at Carinderia Owners (PASCO) laban sa panukalang dagdag-buwis sa sugar-sweetened beverages (SSBs).
Nasa 300,000 na at dumarami pa ang lagdang nakakalap ng PASCO sa bansa upang salungatin ang nasabing excise tax sa mga SSB, alinsunod sa House Bill (HB) 5636 na bahagi ng programang reporma sa buwis ng gobyerno.
Nasa 40% ng pang-araw-araw na kita ng mga may-ari ng tindahan ang nagmumula sa benta ng powdered juice, instant coffee, at softdrinks. Maaaring magdoble o magtriple pa ang presyo ng nasabing mga produkto dahil sa dagdag-buwis.
Naaprubahan na ng Kamara ang SSB tax na nagpapataw ng P10-P20 buwis kada litro ng SSB, depende sa pinagkukuhanan ng sangkap na asukal. - Beth Camia