Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Ibinunyag ng Malacañang na sinibak si dating Dangerous Drugs Board (DDB) Chief Dionisio Santiago sa kanyang posisyon dahil sa umano’y junkets o pagbiyahe sa ibang bansa at pagkakaugnay sa pangunahing illegal drug players sa bansa.

Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ay bukod pa sa naunang ibinigay na dahilan ng pagpuna ni Santiago laban sa mega-drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija noong unang bahagi ng buwang kasalukuyan.

Ayon kay Roque, na nagbunyag nito sa press briefing sa Palasyo kahapon ng umaga, pinahintulutan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilantad sa publiko ang iba pang dahilan ng pagkakasibak kay Santiago.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Roque, na binanggit ang sulat kay Duterte mula sa unyon ng DDB, na si Santiago ay bumiyahe sa Vienna, Austria at sa Amerika kasama ang pamilya, malalapit na empleyado ng DDB, at maging ang kabit nito, noong Setyembre.

“One of the complaints that reached the President was a trip to Austria, where in addition to bringing family members, General Santiago brought six of his closest (DDB) personnel including a girl Friday,” sabi ni Roque.

Ang babae, na nagngangalang Edith Julie Mendoza, ay tagatimpla ng kape ni Santiago, ayon sa opisyal ng Palasyo.

“There was no mention of the date (of his travels). And there was also a mention of a trip to (the) United States, indicating last month, meaning one month before October, where he, quote, ‘allegedly bringing with him his mistress and selected favorite DDB employees,’” sabi pa Roque tungkol sa nilalaman ng sulat.

Ayon kay Roque, ipinapakita lamang nito na hindi kinukunsinti ni Duterte ang junkets at ang hindi kinakailangan o walang pahintulot na pagbibiyahe sa ibang bansa.

“That shows his resolve against graft and corruption. As far as he’s concerned, you don’t even have to be proven. If you’re tainted in any way by corruption, he will not hesitate to fire individuals,” ani Roque. “He has done so many times in the past and General Santiago is only the latest of them.”

Sinasabing si Santiago ay dumalo sa isang ordinaryong Narcotic Drug Intersessional meeting sa Vienna, Australia, at opisyal naman ang kanyang pagtungo sa Amerika na ang gastos ay kinuha sa pondo ng DDB.

“For your information, for both meetings, attendance only requires the presence of the DDB Chairman in the official invitation sent by (the) UN (United Nations) Secretariat and nothing more. This is an extravagant use of government resources and abuse of authority,” saad sa liham.

SANTIAGO AT PAROJINOG

Bukod sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa, inakusahan din sa sulat si Santiago ng pagtanggap ng mga pabor mula sa mga pangunahing personalidad sa illegal drug trade, partikular ang namatay na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.

Ayon sa sulat na ipinadala kay Duterte, tumanggap umano si Santiago ng bahay mula sa napatay na alkalde nang manilbihan ang retired Armed Forces of the Philippines (AFP) chief bilang director-general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Binaggit din sa sulat na si Santiago ay mayroong unexplained wealth, maraming sasakyan, at mamahaling mga ari-arian.

Gayunpaman, hindi binaggit kung ang mga ito ay nakuha ni Santiago dahil sa umano’y kaugnayan nito sa drug lords.

Si Parojinog, kasama ang 15 iba pa, ay napatay sa police raid sa bahay nito noong Hulyo, 2017.

SANTIAGO AT REYES

Inakusahan din ng DDB Employees Union si Santiago ng pagluluklok sa pinalitan niya sa puwesto na si Benjamin Reyes bilang acting chairman ng DDB kapag nasa ibang bansa si Santiago.

Binanggit din sa sulat na si Reyes ay patuloy na tumatanggap ng suweldo mula sa DDB.