NI: Bella Gamotea, Mary Ann Santiago, at Leonel Abasola

Determinado ang Department of Transportation (DOTr) at pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT)-3 na tugunan ang mga isyung pangkaligtasan sa araw-araw na pagbiyahe ng mga tren ng MRT.

Ito ay kasunod ng pagkakabaklas ng isang bagon sa tren ng MRT sa pagitan ng Ayala at Buendia Stations nitong Huwebes.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na kumalas ang Messma Cardo ng Light Rail Vehicle (LRV) No. 68, at nawala ang ikatlong bagon ng Train No. 5. Ang Messma Card functions ay tulad ng isang blackbox na nagre-record sa lahat ng interventions.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

SABOTAHE?

Sinabi ni MRT-3 Safety Chief Technician Ruel Jose na batay sa inisyal na pagsisiyasat, walang electrical fault at walang sira ang bahagi ng makina ng coupler.

“Imposibleng magkahiwalay ang coupler kung walang human intervention,” giit ni Jose.

Dahil sa insidente, nagmungkahi si Senator Grace Poe na pansamantalang ipatigil ang biyahe ng MRT upang matiyak ang kaligtasan ng nasa 500,000 pasahero nito araw-araw.

Ipinabatid naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade na mahalagang ikonsidera ang kapakanan ng daan-daang pasahero ng MRT.

‘TULOY ANG BIYAHE’

“Basta sa pagsisikap at kasiguruhan ng technical team na ligtas pa rin ang pagsakay sa MRT, tuloy pa rin ang biyahe.

Bagamat nandyan pa rin ang option na itigil pansamantala ang operation kung ito na talaga ang nararapat na gawin,” sabi ni Tugade.

“We hear you (public). We are not belittling the magnitude of the problem, but we assure the public that the maintenance team is doing all it can, and working overtime to ensure the safety of the entire system. In fact, since the MRT-3 was put under internal management, fewer unloading incidents have been recorded and more number of trains are being rolled out consistently,” dagdag pa ng DOTr.

PINAIKLING OPERATING HOURS

Kaugnay nito, sinimulan na kahapon ng MRT ang pagpapaikli ng operating hours nito upang bigyang-daan ang maintenance work ng kanilang mga tren.

Ayon kay MRT-3 Director for Operations Mike Capati, simula nitong Biyernes ng umaga ay 5:30 na ng madaling araw ang unang biyahe ng MRT, habang 10:30 naman ng gabi ang last trip.

Layunin ng bagong schedule na mailaan ang naturang ekstrang oras para makapagsagawa ng maintenance works sa MRT at matiyak na maayos ang kondisyon ng mga bagon nito.

Nagpaabiso rin ang MRT na simula kahapon ay maximum na 15 tren lamang kada araw ang kanilang pabibiyahehin.

Magtatalaga na rin ng train marshals ang MRT na magbabantay sa bawat biyahe, upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

Ito ay kasunod ng pagkakaputol ng braso ng pasaherong si Angeline Fernando, 24, sa Ayala Station makaraang mahilo at bumagsak sa coupler ng dumaraang tren.

Sa pagkakabaklas naman ng bagon nitong Huwebes, napilitang maglakad sa riles patungo sa susunod na istasyon ang may 140 pasahero.

‘WAG NANG MAGSISIHAN

Kahapon, muli na namang nagkaaberya ang isang tren ng MRT, bandang 9:04 ng umaga at muling nagbaba ng mga pasahero sa Santolan Station southbound dahil sa technical problem.

Samantala, hinamon ni Poe ang pamunuan ng DOTr na tugunan ang matinding problema sa MRT, na paulit-ulit na nagkakaaberya.

“Huwag kayong makukuntento sa pagsisi lang sa nakaraang administrasyon. Kailangan na rin na patunayan din ninyo ang inyong sarili, sapagkat lagpas na rin kayo ng isang taon diyan at wala pa kaming nakikitang konkretong mga hakbang,” sabi ni Poe. “Siguro dapat din si Secretary Tugade, itulak ‘yung ibang mga kasamahan niya na kumilos-kilos na.”