Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at FER TABOY

Iprinisinta kahapon sa Philippine National Police ang tatlong hinihinalang terorista, na inaresto sa teritoryo ng mga Muslim sa Quezon City noong Biyernes, at napigilan ang plano nilang pag-atake sa Metro Manila sa katatapos na Association of Southeast Asian Nations Summit.

Sa pagsasanib-puwersa ng Quezon City Police District, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Bureau of Investigation-Counter Terrorism Division ay naaresto ang 19-anyos na sina Abdul Gaffar Jikiri, kilala bilang Abu Bakar Jikiri; at Alim Sabtalin; at 24-anyos na si Sadam Jhofar, pawang taga-Basilan, at umano’y miyembro Abu Sayyaf Group-Urban Terrorist Group (ASG-UTG).

Isa-isang inaresto ng awtoridad ang tatlong hinihinalang terorista sa kanilang tinitirhan sa Salaam Compound sa Barangay Culiat matapos makatanggap ng impormasyon na planong umatake ni Jikiri, kasama sina Sabtalin at Jhofar, sa Metro Manila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una rito, isinailalim sa surveillance si Jikiri at napag-alaman na ibinabahagi niya sa social media ang plano niyang pag-atake sa Metro Manila.

Ibinahagi ni Jikiri sa kanyang Facebook account ang mga larawan ng matataas na kalibre ng baril at improvised explosive devices na may caption na gagamitin ang mga ito sa pagpatay sa mga “kaffir” o hindi naniniwala, at sa “munafiq” (kaaway ng mga Muslim).

Ibinahagi rin niya ang larawan ng kanilang mga target na lugar “to attack” kabilang ang isang shopping mall at isang parke sa Maynila at larawan niya at iba pang armado.

Sa imbestigasyon ng QCPD, katuwang ang National Bureau of Investigation Counter Terrorism Division (NBI-CTD), at ng iba pang law enforcement agencies, lumalabas na si Jikiri ay miyembro ng ASG-UTG sa ilalim ng Basilan-based ASG na iniuugnay sa Maute ISIS-inspired terror group.

Nalaman din ng awtoridad na nilisan ni Jikiri ang Basilan noong Oktubre 9 para pumuntang Metro Manila sa pamamagitan ng Zamboanga City.

Samantala, lumabas din sa imbestigasyon na sina Sabtalin at Jhofar, na dumating sa Metro Manila kamakailan, ay natunton ng mga operatiba nang makipagkita ang mga ito kay Jikiri na naging sanhi ng kanilang pagkaaresto.

Iba’t ibang baril, bala at dalawang M203 rifle grenades, at mga cell phone ang nakuha mula sa tatlong suspek.