NI: Erik Espina

MAY ilang probisyon sa ating Saligang Batas na nagsisilbing utos, at gabay na rin, sa media sector. Nakapaloob ito sa Article 16, Sec. 11 (1).

Una, ang pagmamay-ari at pamamahala ng mass media ay dapat limitado sa mga mamamayan ng Pilipinas, o sa mga korporasyon, mga kooperatiba, o mga asosasyong ganap na pinamamahalaan ng gayong mga mamamayan.

Pangalawa, “Dapat regulahin o ipagbawal ng Kongreso ang mga monopoli sa komersiyal na mas media kapag hinihingi ng kapakanang pambayan. Hindi dapat pahintulutan ang mga kombinasyong pumipinsala sa kalakalan o sa kompitensyang ‘di makatwiran”. Ang tanong – nasusunod ba ang mga kondisyones at utos ng konstitusyon?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kasalukuyang estado ng media, may himpilan ba ng telebisyon, korporasyon nito, atbp. na hindi Pilipino ang nagmamay-ari o namamahala?

Mga radio stations? Isama na natin mga pahayagan? Posible kaya na may mga ganitong negosyo ngayon na ang totoong may-ari ay dayuhang mamumuhunan?

Nagbabalat-kayong estranghero gamit ang isang patakbuhing Pilipino, upang huwag mabistong lumalabag sa Konstitusyon?

Ang media tulad sa industriya ng advertising, ayon sa Saligang Batas, “nakikintalan ng kapakanang pambayan”, kaya kailangan ang 70% ng korporasyon ay pagmamay-ari ng mamamayang Pilipino.

Malaki ang papel, responsibilidad, at impluwensiya ng mass media, katulad ng advertisement. Hinuhubog nito ang isip at hinuhulma ang damdamin ng sambayanan sa lahat ng aspeto ng buhay.

Pati president, nahahalal dahil sa media! Kaya kailangan talagang tanganan at pangalagaan. May monopolyo ba sa media?

Hindi lang TV network ang hawak, pati radyo sinakluban din, kasama na pahayagan? Mga cable channels?

Ano ang hindi ginagawa ng kongreso upang regulahin ang mass media para maprotektahan ang mga consumer at upang itaguyod ang kagalingang panlahat?

Ito ay upang malansag ang mga “kombinasyong pumipinsala sa kalakalan at kompitensyang ‘di makatwiran”.

Nagagamit ba ng mga may-ari ang lawak at monopolyo ng kanilang negosyo upang mamulitika at manakot?

Makasungkit ng kontrata? Dahil binibili lahat ng kumpitensya, umaabuso sa paglobo ng korporasyon, kaya pumapalpak ang kanilang serbisyo! Halimbawa, Sky Cable.