Ni GENALYN D. KABILING
Dapat iprioridad ng mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagtugon sa mga banta sa seguridad, partikular ang terorismo, upang matiyak ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ASEAN plenary session kahapon sa pagtitipon ng 10 lider ng regional bloc at kanilang dialogue partners sa Manila para sa dalawang araw na mga talakayan sa ekonomiya, kalakalan, seguridad at iba pang regional issues.
Dumadalo sa mga talakayan ang dialogue partners na United States, Russia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.
Sa pagsisimula ng 31st ASEAN Summit and Related Meetings, hinikayat ni Duterte na magiging sentro ng mga pag-uusap ang papaigting ng kooperasyon para malabanan ang terorismo, sea piracy, illegal na droga, trafficking at iba pang mga banta sa seguridad.
“Terrorism and violent extremism endanger the peace, stability and security of our region because these threats know no boundaries,” diin ni Duterte.
Pinasalamatan ng Pangulo ang international partners sa kanilang tulong para malagpasan ng Pilipinas ang krisis sa Marawi.
Nagpanukala rin si Duterte ng bagong set ng tatlong C- community, centrality at connectivity - para sa pagpapatibay sa komunidad ng ASEAN at pagsusulong sa kooperasyon sa dialogue partners.
“Moving forward to ensure the ASEAN’s viability, a new set of three C’s – community, centrality, and connectivity -- will define the work and effort needed to ensure the success of our community-building process and our interaction with external partners,” sabi ng Pangulo.
May temang “Partnering for Change, Engaging the World,” binanggit din ni Duterte ang pagpupursige ng ASEAN para lubusang maipatupad ang ASEAN Political Security Community, ASEAN Economic Community, at ang ASEAN Socio-Cultural Community Blueprints for 2025.