Ni Tito S. Talao

LOS ANGELES – Wala pang katiyakan sa kahihinatnan ng termino ni PBA Commissioner Chito Narvasa, gayundin ang maplatsya ang gusot sa pagitan ng mga miyembro ng 12-man PBA Board of Governors.

Sa kabila nito, ilang isyu para sa ikagaganda ng takbo ng liga sa pagbubukas ng season, may planong naihanda at kinatigan ng mga miyembro na kabilang sa nagtungo rito para sa taunang pagpupulong.

Aprubado sa Board na gawin sa 55,000-capacity Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ang Manila Clasico ng 43rd season sa araw ng Pasko na tatampukan ng Barangay Ginebra San Miguel Kings at Star Hotshots.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Posibleng magtuos din bilang panimulang aksiyon ang laban ng defending Philippine Cup champion San Miguel Beermen kontra sa Alaska Aces o NLEX Road Warriors. Target ng Beermen ang ikaapat na sunod na PH Cup title.

Napagusapan din na panatilihin ang PBA format na may tatlong conference kung saang ang Commissioner’s Cup ay may 6-foot-10 imports, Philippine Cup at ang Governors’ Cup na may import na may taas na 6-foot-5 pababa.

Nakatakda magbukas ang 43rd season sa December 17 at ayon sa mapagkakatiwalaang source, ibabalik ng Barangay Ginebra ang matikas na si Justin Brownlee para sa Governors’ Cup, o maging sa Commissioner’s Cup, matapos pagbidahan ang Kings sa back-to-back championships.

Nakaprograma rin ang PBA All-Star Week na muling gagamitin ang formar na laro sa Mindanao, Visayas at Manila.

Posibleng maging host ang Davao City sa All-Star spectacle.

Kulang man sa ilang miyembro ng Board, inaasahang pormal na iluluklok si incoming chairman Ramoncito Fernandez ng NLEX, gayundin sina Dickie Bachmann ng Alaska bilang vice chairman at Raymond Zorrilla ng Phoenix Fuel bilang treasurer.